Arestado ang mga magulang ng isang sanggol na 12 araw pa lang na isinisilang matapos nila itong ilako online at ibenta sa halagang mahigit P27,500 sa Bulacan. Ang pera, gagamitin daw nila sa negosyong street food.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News Saksi nitong Martes, dinakip ng mga awtoridad ang isang babae at kasama niyang lalaki matapos nilang tanggapin ang markadong pera mula sa nagkunwaring buyer ng sanggol nang magkita sila sa isang mall sa San Jose del Monte sa Bulacan.

“May nahuli na couple, the biological mom is 22-years-old and the father is 19-years-old. Yung biological father is nag-aaral pa sa ngayon,” ayon kay Usec. Janella Ejercito Estrada- Head, National Authority for Child Care.

Isinailalim ang nasagip na sanggol sa medical examination para alamin ang lagay ng kaniyang kalusugan, at dadalhin sa isang accredited child agency.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang mga magulang ng sanggol, kabilang ang qualified trafficking at child abuse, ayon kay Estrada. – FRJ GMA Integrated News