Hinahanap ng mga awtoridad ang dalawang-taong-gulang na anak ng mag-asawang street dweller sa Quezon City matapos na tangayin ng kapuwa nila homeless. Nang mahuli ang suspek, umamin ito na ginamit niya sa pamamalimos ang bata at saka iniwan sa kaibigan na hindi raw niya alam ang pangalan.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera na karga ng suspek ang batang si Kiana Jane, matapos lumabas mula sa isang convenience store noong December 10.

Ikinuwento ng ama ng bata na si Melvin Lorejas, street dweller sa Barangay San Bartolome, na nag-alok ang suspek na sasagutin nito ang hapunan nila at isinama ang kanilang anak sa pagbili ng pagkain.

Nakilala umano nila ang suspek sa kanilang “raket” sa lugar. Ngunit hindi na bumalik ang suspek, at dala nito ang bata.

“Siguro po mga ten minutes, sir, hindi pa siya bumabalik. Kinabahan na kami, sir. Yung misis ko agad naghanap,” ani Lorejas, kaya nagpunta na sila sa pulisya.

“Sobrang bigat, sobrang hirap ng ano na po namin, Sir. Mabigat na sa pakiramdam, Sir, hindi na namin alam kung nasaan yung anak namin. Nakakakain ba siya nang maayos?” sabi pa niya.

Ayon kay Novaliches Police Station commander Police Lt. Col. Michael John Villanueva, “Lumalabas sa investigation namin na yung minor eh parang naipagkatiwala niya sa suspek. Ang paalam kasi ng suspek ay bibili lang ng pagkain, so pumayag naman parents. After a while, napansin nila na hindi na bumalik yung bata.”

Nang maaresto ang suspek, inamin niya na ginamit niya ang bata sa pamamalimos.

“Kung saan saan nga po sila nakarating at iniwan raw niya po yung bata sa kaibigan niya sa may Muñoz,” sabi ni Villanueva. 

Dinala ng mga pulis ang suspek sa Muñoz para hanapin ang sinsabi nitong kaibigan pero hindi nila nakita, pati na ang bata.

Ipinaliwanag naman ng suspek na kinuha niya ang bata at ibinigay sa kaibigan dahil sa naaawa siya rito dahil sinasaktan umano ng ina.

Mahaharap ang suspek sa paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse/exploitation in relation to Article 270 ng Revised Penal Code o kidnapping and failure to return a minor. – FRJ GMA Integrated News