Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang babaeng nakatakdang ikasal pero biglang nawala sa Quezon City noong nakaraang linggo. Sa ngayon, wala pang nakikitang foul play ang pulisya kaugnay sa kaniyang pagkawala.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nakatakda sanang ikasal ang nawawalang babae na si Sherra De Juan, sa kaniyang groom na si Mark Arjay Reyes, nitong nakaraang December 14.
Ayon kay Reyes, nagpaalam lang noon si De Juan na aalis para bumili ng isusuot na sapatos para sa kanilang kasal.
“Nag-message siya sa akin agad na pupunta siya ng FCM to buy bridal shoes po. Sabi niya sa akin doon na lang siya bibili para makamura daw po,” ani Reyes. “Then around 1:18 pm po, nag-message na siya sa akin na iiwan daw niya yung cellphone niya, pupunta na siya ng FCM, icha-charge niya lang daw po sandali.”
May CCTV footage na nahagip si De Juan na dumaan malapit sa kanilang bahay. May. footage din makikita na papunta siya sa sakayan.
“Wala po kaming away especially during that day. Ayaw ko naman po sanang isipin, Sir, na may nanguha sa kanya or ano. Kasi hindi naman po kami yung pamilya na may pera,” sabi pa ni Reyes.
Nakipag-ugnayan na sina Reyes sa QCPD Station Women and Children’s Concern Section para hanapin ang nawawalang bride.
May nakuha naman ang QCPD ng CCTV footage na kuha noong Sabado ng umaga sa Commonwealth Avenue na may isang babae na sumakay ng bus.
Hinihinala ng pulisya na posibleng si De Juan ang naturang babae.
“Sumakay siya ng isang bus kaya po ngayong araw hinahanap po ‘yun at binigyan natin ng different tasking ang mga follow-up natin,” pahayag ni QCPD district director Police Colonel Glen Silvio.
Ibinigay na rin sa pulisya ang cellphone ni De Juan at laptop para isailalim sa forensic examination.
“Mag-a-apply po tayo ng cyber warrant dito sa mga number ni Ms. Sherra at para po makita natin kung sino huling kausap niya,” ayon kay Silvio.
Sa ngayon, walang nakikitang foul play ang pulisya sa pagkawala ni De Juan.
“Unless na makita talaga natin dun sa pagsakay niya or pagbaba niya na merong kasama siya na medyo threatening sa kanya,” ani Silvio. “Sa trabaho nila, wala namang threatening na ano dun kasi mga regular employees lang sila. Tinanong din natin kung may kagalit, wala din kasi mga ordinaryong mamamayan lang sila.” – FRJ GMA Integrated News
