Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng tangkang pagpupuslit ng mga “marijuana candy” sa bansa. Ang mga parcel na nasabat, idineklarang mga totoong kendi.
Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing inutos ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga kawani na ipagpatuloy ang imbestigasyon at masusing pagbabantay matapos na maharang ang mga tinatawag na “marijuana candy” noong nakaraang buwan.
Nasabat ang marijuana-infused candies, cannabis vape cartridges, at tuyong dahon ng marijuana sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City, na nakalagay sa parcels na idineklarang mga kendi.
Mga nasa likod ng tangkang pagpapasok ng 'marijuana candy' at iba pang katulad na kontrabando sa bansa, patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Customs. | via @SurfaceCarlo pic.twitter.com/ApVGybbc8t
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 3, 2026
Ngunit dahil sa kaduda-duda ang mga impormasyon tungkol sa mga parcel, isinailalim ito sa physical examination at doon na natuklasan ang tunay na laman.
Kinabibilangan ito ng 63 pakete ng marijuana-infused candies, mga vape cartridge na may tinatayang 19.5 milliliters ng cannabis oil, at 3.5 gramo ng tuyong dahoon ng marijuana.
Ipinasa na ang mga nasabat na iligal na produkto at maging ang tatanggap nito o claimants sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa kaukulang disposisyon at inquest proceedings, kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 at Republic Act 10863. – FRJ GMA Integrated News

