Nagbitiw bilang kongresista si ACT-CIS party-list Representative Edvic Yap, na binanggit noong nakaraang taon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na “person of interest” sa flood control funds controversy.

Nitong Miyerkoles, binasa sa plenaryo ng Kamara de Repsentantes ang sulat ni Yap, kaugnay sa kaniyang pagbibitiw bilang kasapi ng kapulungan pero walang binanggit na dahilan.

Nangyari ang pagbibitiw ni Yap tatlong buwan matapos sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na nakatanggap umano ng pera ang mambabatas, at si Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto, sa pamamagitan ng bank transfer mula sa mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya, na isinasangkot sa umano’y anomalya sa paggamit ng pondo sa mga flood control projects.

Kapatid ni Edvic si Benguet Lone District Representative Eric Yap, na nadadawit din ang pangalan sa kontrobersiya, at itinuturing "person of interest" kaugnay sa hindi umano natapos na flood control projects sa La Union pero bayad na.

Nagsilbi si Eric na chairman ng House appropriations committee ng mula 2020 hanggang 2022.

Itinanggi rin niya ang pahayag ni Orly Guteza naghatid siya ng bag ng mga maleta na may pera kay dating Ako Bicol party-list representative Zaldy. 

Maaari namang magrekomenda ang party group ni Yan kung sino ang ipapalit sa kaniyang puwesto bilang kongresista.— Llanesca T. Panti GMA Integrated News