Pinalagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga pahayag ng ilang dayuhang media na naglalarawan sa Pilipinas bilang isang “ISIS training hotspot.” Kaugnay ito sa mga ulat nagpunta sa Pilipinas noong Nobyembre ang mag-amang suspek sa pamamaril kamakailan sa Bondi Beach na 15 katao ang nasawi at mahigit 40 ang sugatan.
Sa isang press briefing nitong Miyerkoles, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro tungkol sa reaksyon ng Palasyo sa mga ulat ng ilang media outlet na inilalarawan ang Pilipinas bilang isang “ISIS training hotspot.”
“Of course, the President strongly rejects this sweeping statement and the misleading characterization of the Philippines as an ISIS training hotspot,” ayon kay Castro.
Binasa rin ni Castro ang pahayag mula sa National Security Council (NSC), na tinawag na mapanlinlang ang pagbansag sa Pilipinas bilang ISIS training hotspot.
“Currently, there is no validated report or confirmation that the individuals involved in the Bondi Beach incident received any form of training in the Philippines,” dagdag ni Castro.
Ayon pa sa opisyal, patuloy na bineberipika ng mga awtoridad ng Pilipinas ang lahat ng impormasyon. Ngunit wala pang naipapakitang ebidensya na ginamit ang bansa bilang lugar ng pagsasanay ng mga terorista.
Binanggit din niya na mula noong pagkubkob sa Marawi, nagawa ng mga Philippine law enforcement agencies na lubhang pahinain ang mga grupong may kaugnayan sa ISIS sa bansa.
“Both United Nations and U.S. government assessments indicate that these groups now operate in a fragmented and diminished capacity. Violence in Mindanao is largely driven by historical conflicts and local clan disputes rather than the operational capacity of ISIS-affiliated organizations,” patuloy ni Castro.
Idinagdag pa niya na ipinapakita sa mga ginagawang pagsusuri kamakailan na may malaking pagbuti sa kalagayan ng panloob na seguridad ng bansa, na naapektuhan dati ng terorismo.
“These developments reflect the sustained efforts of our security forces and the resilience of our communities in advancing peace, order, and development across the nation,” ani Castro.
Gayunman, inatasan pa rin ni Marcos ang Anti-Terrorism Council at ang mga kasaping ahensiya nito na manatiling mapagbantay para pigilan ang anumang aktibidad ng terorismo sa bansa. Kasama na rin ang pagpapaigting ng koordinasyon sa mga international partners upang mapangalagaan ang pambansang seguridad, ayon kay Castro.
Samantala, hinikayat ni Castro ang mga dayuhang media outlet na maging responsable sa kanilang pag-uulat, at binigyang-diin na maaaring makaapekto sa imahe at integridad ng Pilipinas ang hindi tamang pagbabalita.
Una rito, sinabi ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval na dumating sa Pilipinas mula Sydney noong Nobyembre 1, ang 50-anyos na si Sajid Akram at ang kanyang 24-anyos na anak na si Naveed Akram—mga suspek sa pamamaril sa Australia.
Ayon kay Sandoval, nakalista na sa Davao ang naging destinasyon na itinala ng mag-ama na kanilang pinuntahan sa bansa.
Sa kanilang pagbisita sa Pilipinas, inilista umano ng mag-ama na sa Davao ang kanilang destinasyon.
Umalis ng bansa pabalik sa Sydney ang dalawa noong November 28.
Noong December 14, nangyari ang pamamaril sa Bondi Beach habang ginaganap ang Jewish holiday celebration. Labing-anim ang lahat ng nasawi sa insidente, kabilang ang isa sa mga suspek.
Naaresto naman ang isa pang suspek, at mahigit 40 pa ang sugatan.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

