Naibalik na sa kaniyang mga magulang ang isang batang tinangay ng isang street dweller sa Quezon City matapos itong mahanap sa Navotas. Ang suspek, umaming ginamit niya ang bata sa pamamalimos.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang mahigpit na yakap at halik ni Melvin Lorejas, sa isang taon at pitong buwang gulang niyang anak na si Kiana Jane nang muli niya itong makapiling.
Natunton ang bata sa Navotas City nitong Martes ng gabi sa pangangalaga ng mga nagmalasakit sa kaniya makalipas ang halos anim na araw na paghahanap.
Bago nito, Disyembre 10 nang makunan ang bata sa CCTV camera sa labas ng isang convenience store sa Quezon City habang karga ng suspek.
Napanood po ng father ko 'yung upload po ng GMA sa social media po. Then kinuha niya po 'yung contact number nu'ng nakalagay po roon,” sabi ng isang nagmalasakit na alagaan ang bata.
“Naawa po kami totally kasi po may kapatid po akong maliit. Binigyan po namin siya ng magandang matutulugan, magandang damit at napapakain po namin nang maayos,” sabi ng isa pang nagmalasakit sa bata.
Bago pa matunton ang bata, unang nadakip at nasampahan ng mga reklamo ang 20-anyos na babaeng suspek na tumangay sa kaniya.
Batay sa imbestigasyon ng kapulisan, lumalabas na nakarating ang suspek na bitbit ang bata sa Caloocan City. Ayon pa sa kanila, umamin sa kanila ang suspek na ginamit niya sa pamamalimos ang bata.
“Napag-alaman po natin na ito nga pong bata ay iniwan nga raw po ng suspek natin sa isang convenience store sa bandang Sangandaan. Iniwan niya po sa isang babae na nandu’n po sa may convenience store,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Michael John Villanueva, Commander ng Novaliches Police Station.
“Naaawa na po kasi ako sa kaniya, laging napapalo sa nanay kaya binigay ko sa kaibigan ko,” sabi ng suspek nang tanungin kung bakit niya tinangay ang bata.
Sinabi ng babaeng pinag-iwanan ng bata, tulog umano si Kiana Jane nang inihabilin sa kaniya ng suspek.
“Sabi niya maliligo lang daw po siya. Tapos naghintay po ako ng ilang oras hindi na po binalikan ‘yung bata. Tapos ‘yung mga tao pong lumapit sabi po na ‘Umalis na kayo dito.’ Kasi bawal nga, kasi nga hindi naaman tambayan po ‘yun,” sabi ng babaeng pinag-iwanan ng bata.
Iniulat naman nila sa barangay ang tungkol sa iniwang bata sa lugar.
Labis ang kasiyahan nina Melvin at kaniyang kinakasama ngayong kasama na nila ulit si Kiana Jane.
“Sobrang, sobrang saya ko kasi. Nakita po namin 'yung anak po tapos ligtas po. ‘Yun lang naman po 'yung pinagpapanalangin namin araw-araw sir,” sabi ni Melvin.
Nagpapasalamat din ang mga magulang ni Kiana Jane sa lahat ng mga tumulong at nagmalasakit para mahanap ang kanilang nag-iisang anak.
“Napakalaking tulong po sa amin na naibalik sa amin nang ligtas ‘yung anak ko kasi natanggal po lahat ng pagod, hirap tsaka mga pagtitiis namin sa paghahanap sa anak ko,” sabi ni Melvin.
Upang hindi na maulit ang insidente, makikituloy na sila sa kanilang kaanak sa Caloocan City.
“Ang maipapangako ko lang sa anak ko sir na hindi na mauulit itong nangyari na ‘to kasi napakabata niya pa po para maranasan ‘to sir,” sabi ni Melvin.
Nagpaalala ang pulisya sa publiko na huwag ipaubaya sa ibang tao ang mga anak para maiwasan ang kagayang insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
