Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Sabado na ang mga labi ng isang babaeng natagpuan sa Tuba, Benguet ay kay dating undersecretary Catalina Cabral ng Department of Public Works and Highways.
“Yes, DNA, fingerprints results are consistent na siya ‘yun,” sabi ni Remulla sa 24 Oras Weekend report ni Bea Pinlac nitong Sabado.
Sa hiwalay namang panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Remulla na ipinakita ng awtopsiya na walang foul play o masamang intensiyon sa insidente.
“‘Yung autopsy po ay number one, no signs of foul play. Wala pong ligature marks, wala pong sinakal, wala pong gunshot wound, wala rin pong knife wounds. So ang kaniyang cause of death as determined by autopsy is blunt force trauma from the fall,” sabi ni Remulla.
Malulubhang pinsala
Ayon pa kay Remulla, nagtamo ng mga malulubhang pinsala si Cabral.
“So 'yung kanang bahagi po ng mukha niya ay sira. 'Yung likod ng ulo niya ay basag din. Ang kaniyang rib sa kanan rin ay tinusok ang kaniyang internal organs. Tapos ang parehong kaniyang kamay ay bali rin. So far, no signs of foul play,” ani Remulla.
Dagdag niya, nahulog si Cabral 30 metro ang lalim mula sa Kennon Road, na kasingtaas ng isang gusaling may 10 palapag.
“Consistent siya na blunt force trauma ang cause of death,” sabi pa niya.
Foul play?
Iginiit ni Remulla na walang foul play sa pagkamatay ni Cabral.
“So far, no signs of foul play. ‘Yung kaniyang kotse ay walang nakitang [signs of] struggle ‘yung lugar na ‘yun ay walang nakakita ng kahit anumang anomalya doon.”
Samantala, nananatiling person of interest ang driver ni Cabral na si Ricardo Hernandez.
Nang tanungin sa posibilidad na tinulak umano si Cabral sa bangin, ang sabi ni Remulla, “Noong 8 a.m. una sila nang dumaan du’n, lumabas na siya ng kotse, napatigil du’n at umupo na po kung saan siya tumalon. Nakita lang siya ng pulis.”
“Bumalik siya ng kotse at umakyat ng hotel. Pag-akyat ng hotel, mag-isa naman siyang tumira roon. Tapos after one hour bumaba rin tsaka siya bumaba na naman sa very same spot at du’n na nakita nangyari lahat,” sabi ni Remulla.
Walang suicide note
Wala ring suicide note na nakita kaugnay ng pagkamatay ni Cabral.
“Wala kaming nakuhang suicide note. So we have to assume that this is a mental health issue,” sabi ni Remulla.
Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamilya ni Cabral para makuha ang kaniyang cellphone.
“Ang sabi ng husband ay after cremation daw,” sabi ni Remulla.
Nakatakdang kumuha ang mga awtoridad ng warrant para suriin ang silid ng hotel kung saan huling nag-check in si Cabral bago ang trahedya.
Dagdag pa ni Remulla, nakita na ng pulisya ang kuha ng CCTV mula sa hotel.
Samantala, nagpadala ng liham ang abogado ng pamilya ni Cabral sa hotel upang pigilan ang anumang aktibidad sa silid ng hotel kung saan nag-check in si Cabral, lalo na ang anumang pagsusuri nang walang anumang utos ng korte o search warrant.
“We remind everyone that, to date, not a single complaint, whether criminal, civil or administrative, has been filed against her that would legally justify the seizure of any of her personal effects. The calls for the seizure of her phone and other personal belongings are, thus, unwarranted,” sabi ng mga kaanak ni Cabral sa isang pahayag.
Pagkukulang sa imbestigasyon
Samantala, tinanggal sa kaniyang pwesto ang hepe ng Tuba, Benguet municipal police dahil sa mga pagkukulang sa imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ni Cabral.
Hinimok ng NBI ang mga motoristang dumaan kamakailan sa Kennon Road sa Tuba, Benguet, na magbigay ng dashcam footage ng lugar kung saan huling nakitang buhay si Cabral.
Binatikos ng pamilya ni Cabral ang mga pahayag na umano'y pineke ang kaniyang pagkamatay, at sinabing ang mga ito ay walang konsiderasyon.
“DNA testing is likewise unwarranted, given that her family has already positively identified her remains. Claims and insinuations that she and her family faked her death are not only insensitive and inappropriate, they are utterly reckless and baseless,” saad ng pamilya sa pahayag.
Isang batikang burukrata na dating inilarawan bilang isang modelo para sa "Women of Infrastructure," nasangkot si Cabral sa mga anomalya sa flood control projects.
Idudulog sana ng Department of Justice sa Ombudsman ang isang kaso ng pandarambong na kinasasangkutan ni Cabral kaugnay ng maanomalya umanong flood control projects sa Bulacan bago siya namatay, ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon sa isang press conference nitong Biyernes. — VBL GMA Integrated News

