Naghain ang Department of Justice (DOJ) ng mga pormal na kaso laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, at ilan pang tao sa tatlong Regional Trial Court (RTC). Kaugnay ito sa pagkawala ng ilang sabungero.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez ngayong Lunes, kinasuhan si Ang at iba pa ng kidnapping with homicide, pati nang kidnapping at serious illegal detention sa mga RTC ng Lipa City; Sta. Cruz, Laguna; at San Pablo, Laguna noong Disyembre 19.
“Under the Revised Rules of Criminal Procedure, the courts where the informations are filed will issue the corresponding warrants of arrest upon determination of the existence of probable cause based on the evidence submitted and the resolution of the panel of prosecutors,” paliwanag ni Martinez sa mga mamamahayag.
Sa resolusyon, natuklasan ng mga piskal ng DOJ na ang mga sinumpaang salaysay ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan at ng kaniyang kapatid na si Ellakim ay nagpatunay na ginamit umano ni Ang ang command responsibility at active inducement sa mga operasyo sa pagdukot sa mga biktima.
Naghain naman ng motion for reconsideration ang kampo ni Ang sa DOJ.
Ayon kay Martinez, dapat maresolba ang mga epela sa loob ng 30 araw batay sa Department Circular No. 015.
Samantala, ibinasura ng mga piskal ang mga reklamo laban sa aktres na si Gretchen Barretto, dating hepe ng National Capital Region Police Office na si retiradong Police General Jonnel Estomo, gayundin laban sa mga anak ni Ang at iba pa niyang kamag-anak.
Inihayag naman ng kampo ni Ang na dapat maging handa ang DOJ para harapin ang kahihinatnan kapag binalewala ang kanilang apela.
“It is possible that the courts may overrule the disposition of the DOJ when they review the files,” sabi ng abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal, sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag.— Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News

