Kasunod ng trahediya sa pagkasawi ng isang bata na nasabugan ng ilegal na paputok, napag-alaman na may mga ilegal na paputok na lantaran ding ibinebenta sa Divisoria market sa Maynila.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing kabilang sa mga ibinebentang ilegal na paputok sa Divisoria ay piccolo at pla-pla.

Ayon sa isang tindera, mabili pa rin ang piccolo sa kabila ng babala ng mga awtoridad.

“Wala tayong magagawa, sa hirap ng buhay kailangan kumayod,” anang vendor sa dahilan ng pagbebenta niya ng ilegal na paputok.

May ilan din na palihim na nagbebenta ng ilegal na paputok.

“Yung sa amin lang kasi yung pambata lang tapos meron din kasi mga kasama sa bahay,” anang isang ginang matapos bumili ng paputok.

Ayon sa Manila Police District (MPD), patuloy naman ang kanilang operasyon laban sa ilegal na mga paputok.

“Nagkaroon sila ng entrapment operation doon sa area, nakahuli sila ng isa diyan na nagbebenta ng ilegal na paputok,” pahayag ni MPD spokesperson Philipp Ines.

“Tapos kanina naman…may dalawa silang naaresto at officially siguro mga less than P100,000 amount mga ganun,” dagdag ng opisyal.

Ang ibang namimili, mas pinili naman ang ligtas na pampaingay sa pagsalubong sa Bagong Taon gaya ng torotot.

Nito lang, Linggo isang bata ang nasawi at malubhang nasugatan ang kaniyang kalaro matapos sumabog ang napulot nilang malakas na uri ng paputok sa Tondo sa Maynila. – FRJ GMA Integrated News