Sugatan ang isang mag-ama at nasunog din ang bahagi ng kanilang sinasakyang motorsiklo matapos sumabog ang binili nilang mga paputok habang nasa biyahe sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Sa ulat ni Cindy Salvacio ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ipinakita ang CCTV footage sa isang tindahan sa Barangay Marunong kung gaano kalakas ang naging pagsabog.
Sa lakas ng pagsabog, nagtamo ng paso at sugat sa katawan ang ama, at nasugatan din ang menor de edad niyang anak na nakaangkas kaya dinala sila ospital. Nasunog din ang bahagi ng motorsiklo.
May bintana rin ng bahay ang nabasag dahil umano sa epekto ng pagsabog.
Galing sa San Carlos ang mag-ama at dumayo sa Sta. Barbara para bumili ng mga paputok sakay ng motorsiklo na minaneho ng ama.
“According doon sa tatay, ipinahawak daw yung paputok na binili nila which is kuwitis po yata dito sa anak. Sumayad na yung hawak niya na paputok doon sa kalsada or dito sa may tambutso ng kanilang motor kaya siguro ‘yon ang naging sanhi nagkaroon ng friction, pumutok yung kuwitis,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Michael Datuin, hepe ng Sta. Barbara Police Station.
Inabutan pa umano ng ilang residente na nasusunog ang damit ng nakatatandang biktima kaya kinailangan siyang buhusan ng tubig.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mag-ama, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News
