Isang 30-anyos na lalaki ang nang-hostage ng kaniyang tiyahin at pinsan sa Barangay Batasan Hills, Quezon City. Ang hostage taker, boluntaryong sumuko matapos ang ilang oras na negosasyon.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing palihim na kinunan ng isa sa mga biktima ang suspek sa loob ng kuwarto, May hawak na gunting ang suspek.
“Hinold (hold) sila ng suspek doon sa kuwarto and nagulat na lang 'yung mga victims, hindi na sila pinapalabas ng suspek doon sa kuwarto. And tinutukan daw sila noong bladed weapon, actually 'yung gunting na hinati sa dalawa, then tinutukan daw sila,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Aljun Belista, Batasan Police Station commander.
Ayon sa pulisya, pagkaresponde nila sa lugar, tanging hiling ng suspek ang makausap ang kaniyang tiyuhin.
Napagbigyan naman ito kaya naging maayos ang negosasyon.
“Ang sabi namin, kausapin nila kasi ‘yun naman ang demand. Actually marami pang tinawagan na kapamilya until mga 5 p.m., bumigay na rin siya, sumuko na rin,” sabi ni Belista.
Lumabas sa imbestigasyon na dalawang linggo pa lamang nakalalaya ang suspek dahil sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Dati na rin siyang nabilanggo dahil sa iba pang kaso, kasama na ang pagnanakaw at tangkang pagpatay.
“Pakiramdam ko na meron pong nag-aantay sa akin, meron pong nag-aabang. Pasensiya na po sa mga kamag-anak ko. Sana, hindi na po maulit. Tatanggapin ko po ito na makulong na lang po ako,” sabi ng suspek.
Nahaharap ang suspek sa reklamong serious illegal detention. —Jamil Santos/KG GMA Integrated News
