Isang 32-anyos na babae na bibisita lang sana sa kaniyang live-in partner na nakabilanggo sa Talipapa Police Station sa Quezon City, ang dinakip dahil sa dala-dala niyang ilegal na droga. Ang babae, umaming gumagamit pero wala siyang planong ihatid ito sa kaniyang partner.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing may kasong robbery ang live-in partner ng biktima.
Sinabi ng pulisya na nakatanggap sila ng impormasyon na may dala-dalang droga ang babae.
“Itong female desk officer natin, as finrisk (frisk) siya, kinapkapan siya, then na-found ‘yung dalawang sachet doon sa pocket niya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Von Alejandrino, Commander ng Talipapa Police Station.
Nakuha mula sa suspek ang aabot sa dalawang gramo ng shabu na may halagang P13,600. Patuloy na inaalam ng pulisya ang pinagkunan ng droga.
“Sumailalim itong suspek natin sa mandatory drug test. So nag-positive itong suspek natin. After investigation, na-found out natin na user itong suspek natin,” sabi pa ni Alejandrino.
Umamin ang suspek na sa kaniya ang nakuhang droga. Ngunit hindi niya naman ito dadalhin sa kaniyang live-in partner.
“Ginising ako ng kaibigan ko, dadalaw nga raw po kami. Dire-diretso ako, pupunta kami rito. Na-check sa may desk, na-check sa bulsa ko. Hindi naman po para dito ‘yun eh. Sadyang na-check lang,” sabi ng suspek.
Nasampahan na ang babae ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
