Sa kulungan ang bagsak ng isang 48-anyos na lalaki sa Rodriguez, Rizal dahil sa pagpatay umano sa kaniyang bilas noong 2022. Ang akusado, itinanggi ang krimen.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing sinilbihan ng arrest warrant nitong Lunes ang lalaking wanted para sa kasong murder.

Nangyari ang krimen sa Barangay San Isidro noong Enero 2022 nang nagkaalitan umano ang biktima at akusado na humantong sa pamamaril, ayon sa pulisya.

“Ito pong nahuling akusado saka po ‘yung biktima ay magbilas po. Nu'ng mga panahon na ‘yun, itong biktima po ay gumagawa ng kaniyang tricycle nu'ng bigla na lang pong binaril nitong akusado. At matapos po noon, nagtago na po ito,” sabi ni Police Master Sergeant Adrian Deo, investigator ng Rodriguez Police.

Itinanggi ni alyas “Rom,” na isang truck driver, ang pamamaril.

Depensa niya, nagpapagawa umano siya ng kaniyang motorsiklo nang maganap ang krimen. Hanggang sa makarinig siya ng dalawang putok ng baril at natuklasang sa ulo nasapul ang kaniyang bilas na biktima.

Itinanggi rin niyang may alitan sila ng biktima.

“Wala pong katotohanan ‘yan ‘yung ako 'yung may kagagawan. Hindi ko po alam kung sino ang gumawa sa kaniya. Mainit talaga ang ano niya sa akin kasi po kesyo asset daw ako ng mga pulis,” sabi ni alyas “Rom.”

Hindi rin umano totoong nagtago siya.

“Hindi po ako nagtago kasi ‘yung tinitirahan po namin, is hindi namin sariling pag-aari, umuupa lang kami roon. Ibinenta na po ‘yung inuupahan naming bahay kaya lumipat po kami ng tirahan. Nu'ng malaman ko po na may warrant ako, kusa po ako na sumurrender sa alagad ng batas,” sabi pa ng akusado.

Nakabilanggo ang akusado sa custodial facility ng Rodriguez Police. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News