Isang lalaki ang nasawi matapos siyang barilin at tagain sa Velasquez sa Tondo, Maynila. Ang insidente, naaktuhan ng isang pulis na napadaan lang at napatay ang isa sa mga hinahabol niyang suspek.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente pasado 7 p.m.
Sa kuha ng CCTV, maririnig ang isang putok ng baril. Makaraan lamang ang ilang saglit, makikita na ang dalawang lalaki na sina alyas “Eugene” at “Edmund” na mistulang may pinagtutulungan.
Tiyempo namang isang pulis ang dumating at bumunot ng kaniyang service firearm.
Sa kuha pa ng CCTV, narinig ang dalawang magkasunod na putok ng baril. Matapos nito, namataan ang pulis na nagtungo sa gilid bago bumalik sa kaniyang motorsiklo. Nasapul na niya pala sa bandang tagiliran si alyas “Edmund.”
Ayon sa kuwento ng mga saksi sa barangay, nasaksihan ng pulis na isa sa mga suspek ang may hinahataw ng itak habang ang isa naman ay may hawak na baril.
“Nabaril muna at the same time. Pagkabaril, saka inundayan ng taga, nakita niyang may hawak ng baril, may hawak ng panaga, siya naman po ay tumugon lang sa kaniyang trabaho,” sabi ni Kagawad Benjamin Cabral.
Ang nakabaril na pulis pa mismo ang nagsugod sa pagamutan kay alyas Edmund ngunit hindi na siya umabot ng buhay.
Dead on arrival din ang biktimang si alyas “Marlon” na unang nabaril at nataga nina alyas “Edmund” at “Eugene.”
Nabawi naman sa crime scene ang itak na ginamit sa pananaga sa biktima. Patuloy na hinahanap ang baril na ginamit ng dalawa.
Ayon pa ng barangay, nagkaroon na ng alitan ang biktima at si alyas Eugene noong isang gabi, matapos akalain ng biktima na siya ang pinagtatawanan ng grupo ng suspek habang nag-aaway sila ng dati niyang kinakasama.
“‘Yung sa pagbibigay lang po ng sustento niya sa anak niya. Akala niya po siya raw po 'yung pinagtatawanan. Pero hindi naman po talaga siya 'yung pinag-uusapan namin noon,” sabi ni Mary Joy Nicholas, dating kinakasama ng biktima.
Noon namang madaling araw, nagkasalubong rin dalawa at nagtalo umano dahil naman sa unahan ng pila sa tricycle.
Pagdating ng gabi, dito na umano muling nagtagpo sina alyas “Marlon” at Eugene kasama, ang kapatid nito na si alyas “Edmund,” na pinahihinalaan ang bumaril sa batay base sa imbestigasyon ng pulisya.
Nasa kustodiya naman ng Homicide Section ng MPD ang nakasaksing pulis. Sa kabila ng paggawa niya ng kaniyang tungkulin, posibleng maharap pa rin siya sa ang pulis sa homicide.
Pinasalamatan naman ng ina ng biktima ang rumespondeng pulis.
Ayon naman sa mga kaanak ni alyas Edmund at Eugene, mayroon din dalang itak noon ang biktima, bagay na itinanggi ng kaniyang live-in partner.
Patuloy naman ang paghahanap ng pulisya na mahuli ang suspek na si ‘Eugene.” — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News
