Sinabi ni Alden Richards na excited siya sa kaniyang magiging role sa upcoming Kapuso medical drama series na "Code Gray."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng Asia's Multimedia Star na duktor ang magiging role niya sa serye na unang beses niyang gagawin.

"I've never done anything like that before sa career ko and it's gonna be the first again and I'm very excited kasi it's a very mature role. It's very serious, excited lang ako dun sa challenges that's up ahead," ani Alden.

Bukod sa bagong serye, magkakaroon din ng isa pang proyekto si Alden bilang host para sa second season ng kinabilangan niyang show noong nakaraang taon.

Hindi naman binanggit ni Alden kung ano ang naturang programa na patunay umanong naging matagumpay kaya muling ibabalik ngayong taon.

"Actually may magbabalik na isang show na ginawa ko rin last year and it's gonna be our Season 2. So kahit hindi ko naman sabihin alam niyo na kung ano ‘yon, but we're very excited kasi at least it goes to show the first run did very well and was much appreciated by the audience," pahayag niya.

Bukod sa TV projects, may ipapalabas na international film si Alden na "Big Tiger," kung saan gaganap siya bilang kontrabida, na unang beses din niyang ginawa.

Kababalik lang ni Alden sa Pilipinas matapos magbakasyon sa Amerika, at doon ipinagdiwang ang kaniyang ika-34 taong kaarawan.—FRJ GMA Integrated News