Pormal nang binuksan ang mga aktibidad para sa Kapistahan ng Señor Santo Niño nitong madaling-araw ng Huwebes, Enero 8, 2026, sa pamamagitan ng taunang “Penitential Walk with Jesus.”
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing batay sa pagtaya ng mga awtoridad, mahigit 240,000 deboto ng Señor Santo Niño ang nakiisa sa penitential walk na nagsilbing hudyat ng pagsisimula ng mga Misa ng Nobena.
Dakong 3:00 am nang magsimulang magtipon-tipon ang mga deboto sa Fuente Osmeña Circle sa lungsod ng Cebu.
Sinimulan ang prusisyon pagsapit ng 4:00 am mula sa Fuente Osmeña Circle patungong Basilica.
Habang naglalakad patungo sa Basilica, sabay-sabay na nagdarasal ng Santo Rosaryo ang mga deboto, bitbit ang kani-kanilang mga imahen ng Santo Niño at mga nakasinding kandila.
Mayroon ding mga deboto na isinama ang kanilang mga anak at binihisan ng kasuotan na kahawig ng isinusuot ng Santo Niño.
Mistulang dagat ng mga deboto ang pumuno sa halos buong kahabaan ng Osmeña Boulevard sa sandal ng penitential walk.
Dumating ang imahen ng Santo Niño na sakay ng karosa sa loob ng compound ng Basilica bandang 5:12 am.
Punong-puno ng mga deboto ang Basilica at ang Pilgrim Center, at damang-dama umano ang mainit nilang debosyon.
Ang unang Banal na Misa ng siyam na Banal na Misa (o nobena) para sa pagdiriwang ng Fiesta Señor 2026 ay pinangunahan ni Rev. Fr. Andres Rivera Jr., rector ng Basilica Minore del Santo Niño.
Dahil hanggang 5,000 katao lamang ang kayang tanggapin ng Basilica compound, nanatili sa labas ng lugar ang iba pang mga deboto. Gayunman, may mga LED wall ang Basilica kung saan ipinapakita ang mga aktibidad sa loob ng Pilgrim Center.
Libu-libong pulis, bumbero, sundalo, at iba pang unipormadong kawani at force multipliers ang ipinakalat upang tiyakin ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng publiko.
Upang higit pang matiyak ang kaligtasan ng publiko, naglagay ng mga medical station at nagtalaga ng mga emergency personnel sa loob at labas ng Basilica. – FRJ GMA Integrated News
