Dinakip ng mga awtoridad ang isang 17-anyos na ina matapos na mabisto na ibinebenta niya online ang kaniyang anak na isang-buwang-gulang lang sa halagang P55,000. Ang kaniyang partner na 18-anyos, inaalam naman kung pananagutan din sa kaniyang ginawa.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing dinakip ang menor de edad na ina dahil mismong mga tauhan Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center, ang katransaksyon niya online sa ginagawa niyang pagbebenta sa anak.
Ayon sa pulisya, sinubaybayan nila ang ina nang malaman nila na iniaalok nito ang anak sa mga nais na mag-ampon sa social media.
Nalaman ng mga pulis na balak umanong gamitin ng ina ang makukuha pera sa pagbebenta ng anak upang ipalit sa nagastos nitong tuition fees.
Gayunman, duda pa rin dito ang mga awtoridad dahil may katransaksyon na umano ang ina mula sa Japan bago pa man ito magsilang.
Ang kausap umano ng ina, nakapagpadala na ng pera.
Mahaharap ang ina sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, na may parusang pagkakabilanggo ng habambuhay kapag napatunayang nagkasala.
Iniimbestigahan din ang ama ng bata kung kasabawat ba siya sa transaksyon.
Nasa pangangalaga ng social workers ang nasagip na sanggol at maging ang inarestong ina, na sinisikap pang makuhanan ng pahayag ng GMA Integrated News. — FRJ GMA Integrated News
