Ilang taon na napunta sa pangangalaga ng mga tao, isang tropa ng mga unggoy ang dinala sa pasilidad para sanayin na manumbalik ang kanilang wild instinct. Ang mga unggoy, hindi naitago ang saya nang makalabas sila ng kulungan at maging malaya sa gubat.

Sa nakaraang episode ng “Born To Be Wild,” ipinakilala ang mga unggoy na sina Roy, Johnstone, Laila, Coco at Kiko, na nasa Wildlife in Need.

Isa si Roy sa mga pinakamatagal na sumailalim sa rehabilitasyon, dahil limang taon siyang nasa pangangalaga ng tao.

Kapansin-pansin ang kaniyang malaking katawan at matutulis ng ngipin. Dahil takot din ang ibang unggoy sa kaniya, siya ang itinuturing Alpha male sa grupo.

Habang si Laila naman ang kinikilalang Alpha female.

Hinuli ang mga unggoy kalaunan para dalhin sa soft release area para sila ma-“acclimatize” o ikondisyon bago sila tuluyang pakawalan sa wild.

Si Paul Lim, OIC ng Wildlife in Need, ipinaliwanag na may binuo silang isang cage para sa tropa nina Roy at Laila para suriin kung may papasok pang ibang grupo. Malapit din ito sa source ng pagkain at tubig.

Makaraan ang apat na araw, pinakawalan na ang mga naturang unggoy, na tingin nang tingin na sa itaas na tila aliw na aliw sa nakamit nilang kalayaan.

Batay sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act o Republic Act 9147, mahigpit na ipinagbabawal ang ilegal na pag-aalaga ng buhay ilang. Ang sino mang lalabag ay maaaring makulong at magbayad ng danyos.

Samantala sa Morong, Bataan naman, may isang unggoy na iniulat ng mga residente dahil sa pagiging agresibo nito. Bukod sa nangunguha ng pagkain, natuto na rin itong umatake sa mga aso at tao.

Dahil dito, pinangalanan itong si Alpha, na mahilig ding salakayin ang mga nakakadenang unggoy na alaga ng ilang residente.

Hindi naman pinalampas ni Doc Nielsen Donato na balaan ang isang ginang na ipinagbabawal ang pag-aalaga ng mga hayop sa ilang gaya ng unggoy.

Nagkasugat na siya sa leeg dahil sa higpit ng kadena nito kaya kinailangan siyang gamutin.
Tunghayan sa video ng Born To Be Wild ang malungkot na sinapit ni Alpha. Panoorin.—FRJ GMA Integrated News