Kahit nasusunog na ang kanilang bahay, pumasok muli ang isang lalaki sa kagustuhan niyang mailigtas ang mga alaga niyang aso na naiwan sa loob sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Puntod dakong 10 pm nitong Martes.
Habang natutupok ang kaniyang bahay, pinasok ito ni Jake Binondo para kunin ang lima niyang alagang aso.
Nagawa naman niyang maligtas ang dalawa, pero hindi na pinalad ang tatlo pa niyang alaga.
Nagtamo naman ng lapnos sa mukha at mga kamay si Binondo, pero hindi niya alintana basta mailigtas lang ang mga alaga.
“Unfortunately, dalawa lang talaga ang nailigtas ko. Namatay ang tatlo pa naming aso. Yung dalawa kasi malayang gumagalaw lang sa sala at katabi naming natutulog,” saad niya.
Kuwento pa ni Binondo, pawang babae ang nasawi niyang mga aso na kapag nakakaramdam umano ng takot o panic ay nagtatago.
Nanawagan ng pinansiyal na tulong si Binondo para sa medikal na pangangailangan ng kaniyang dalawang aso.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), apat na bahay ang nasunog sa insidente na umabot sa ikatlong alarma, at naapula ang apoy dakong 11 p.m.
Inaalam pa umano ang sanhi ng sunog na tinatayang nasa P380,000 ang naging pinsala. – FRJ GMA Integrated News
