Nagretiro na noong Disyembre 25, 2025 ang police general na sinampahan ng reklamong administratibo dahil sa dalawang insidente, kasama na ang pagsusuot niya ng sapatos na mahigit P70,000 ang halaga. Pero kahit wala na sa serbisyo, maaari pa rin siyang maparusahan kapag napatunayang nagkasala.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, inihain ang reklamo laban kay Police Brigadier General Jezebel Imelda Medina, dating Health Service head, noong December 23, 2025, dalawang araw bago ang kaniyang pagreretiro.

“Ang compulsory retirement po kasi ay hindi makaka-epekto sa pendency ng ifinile na kaso bago siya po mag-retire. Ito po ay magpapatuloy hanggang sa mabigyan ng desisyon, resolusyon,” ayon kay Tuaño.

Dagdag pa ng opisyal, makatatanggap pa rin ng retirement benefits si Medina pero maaari itong mabawasan kung lalabas na guilty siya sa mga inaakusa sa kaniya.

“Kapag nagkaroon ng desisyon later on, assuming po for the sake of argument, na ma-find guilty po 'yung ating PNP personnel ay ito po ay ibabawas sa kaniyang pension,” paliwanag ni Tuaño.

Nitong Miyerkoles, inihayag ng National Police Commission (NAPOLCOM) na nahaharap si Medina sa administrative complaint para sa less grave neglect of duty at conduct unbecoming of a police officer.

Ayon kay NAPOLCOM vice chairperson at executive officer Rafael Vicente Calinisan, nag-ugat ang reklamo sa dalawang insidente.

Una ang kabiguan umano ni Medina, bilang Health Service director, na magsumite ng psychiatric at psychological examination (PPE) report tungkol sa isang pulis sa Quezon City na inaakusahan ng sedisyon sa kaniyang vlogging activities.

Ang ikalawa ay ang pagsusuot umano ni Medina ng mamahaling sapatos na nakakahalaga ng P70,599 habang naka- PNP uniform.

Puna ng NAPOLCOM, ang halaga ng naturang sapatos ay katumbas na ng basic salary ng police brigadier general sa isang buwan.

“This act raises serious concerns on modest living and ethical conduct, standards required of all public servants and most especially of senior police officers whose actions set the tone for the entire organization,” giit ni Calinisan.

Sinisikap ng GMA News Online na makuhanan ng panig ni Medina at ilalathala ito kapag nakuha na.-- Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News