Isang photojournalist ang pumanaw nitong Biyernes habang nasa coverage ng Traslacion sa Maynila, ayon sa isang ulat sa GTV News Balitanghali.

Ayon sa Manila Police District (MPD), bumisita ang photojournalist sa MPD Station 5 ng 3 a.m. para kunan ng larawan ang mga sitwasyon sa Quirino Grandstand.

Gayunpaman, sinabi ng pulisya na biglang natumba ang mamamahayag.

Nagpahayag naman ang Presidential Task Force on Media Security ng pakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ng nasawing si Itoh Son habang ginagampanan ang kaniyang trabaho sa Traslacion.

''Kami sa Presidential Task Force on Media Security ay taos-pusong nakikiramay sa pamilya, kaibigan, at mga kasamahan ni Itoh Son, isang photojournalist na pumanaw habang nagsasagawa ng kanyang trabaho sa Traslacion 2026 sa Maynila,'' saad nito sa isang hiwalay na pahayag.

Ayon sa PTFoMS, ilang araw na may trangkaso si Son bago nangyari ang insidente.

“Ang kaniyang dedikasyon sa kaniyang propesyon sa kabila ng kaniyang karamdaman ay patunay ng kaniyang pagmamahal sa kaniyang trabaho at sa paghahatid ng mga mahalagang kaganapan sa publiko,” sabi nito.

“Ang pagkamatay ni Son ay dapat na magsilbing babala sa mga miyembro ng media na obserbahan at unahin ang kanilang kalusugan at kapakanan para maipagpatuloy nila ang kanilang trabaho,” ayon pa sa PTFoMS. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News