Ilang deboto ang dinala sa mga ospital sa gitna ng Traslacion sa Maynila nitong Biyernes ng madaling araw, ayon sa Philippine Red Cross (PRC).
Sa update ng organisasyon nitong 6 a.m., sinabi ng PRC na isinugod ang dalawang pasiyente sa Philippine General Hospital habang ang isa pa ay dinala sa East Avenue Medical Center.
Dalawa pang pasyente mula sa PRC Emergency Field Hospital ang inilipat din sa ibang mga ospital para sa advanced care.
Sa ngayon, natutukan na ng PRC ang humigit-kumulang 100 pasyente.
Karamihan sa mga kaso ay may kinalaman sa pagmonitor ng vital signs, na binubuo ng 58 katao.
May kabuuang 34 na deboto ang ginamot para sa mga minor condition gaya ng pagkahilo, gasgas, minor na sugat, at pilay.
Limang pasyente ang nagtamo ng malalaking pinsala, kabilang ang malalalim na sugat.
Ang PRC Emergency Field Hospital na nasa KKK Monument naman ay may hinawakwang 15 pasyente, na karamihan ay mga minor na kaso.
Batay sa update, 10 pasyente ang nanatiling nasa ilalim ng active monitoring, habang apat ang nakalabas na.
Bukod sa mga serbisyong medikal, nagpaabot din ang PRC ng twelfare assistance sa 16 na indibiduwal, na nagbigay ng psychosocial support, mga referral, at tulong sa komunikasyon.
Nagtalaga ang PRC ng 17 first aid station, 19 na ambulansya, at siyam na Medic on Wheels unit, at iba pa, para sa Traslacion.
Humigit-kumulang 1,200 kawani at volunteer ng PRC ang ipinadala para tumugon sa mga emergency sa buong prusisyon.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
