Ilang deboto ang muntik nang manakawan ng kanilang mga cellphone sa gitna ng kanilang pagsali sa Traslacion. Ngunit ang mga magnanakaw, nabibitawan ang mga ito gaya nang nangyari sa isang cameraman.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing maging ang kaniyang cameraman ay muntik nang maging biktima.
Gayunman, masuwerteng nalaglag ng mandurukot ang cellphone ng cameraman.
Samantala, 4 a.m. nang magkatensiyon matapos magtangka ang ilang kabataan na makalapit sa prusisyon, habang patawid ang andas ng Poong Jesus Nazareno sa intersection ng Roxas Boulevard at Padre Burgos Street.
Ngunit hinarang, hinatak at itinaboy sila ng mga Hijos na nakabarikada sa kalsada.
Mula Katigbak Drive, umabot ng lampas dalawang oras bago makarating at makaliko sa Finance Road ang andas dahil sa dami ng mga sumasalubong.
Hindi naging madali ang paghatak sa lubid ng andas dahil sa dami ng mga debotong gustong makihila.
Kaniya-kaniya rin ng puwesto ang mga deboto para masilayan ang pagdaan ng imahen ng Poong Nazareno. Ilan ang pumuwesto sa itaas ng puno, at ilan pa ang inakyat na pati street post.
May mga nadaganan din sa siksikan, kabilang ang debotong si Angel na naipit ng mga kapwa deboto.
Ayon sa kaniya, inakala niyang iyon na ang kaniyang katapusan. Ngunit tulad ng iba pang deboto, uulitin pa rin ni Angel sa susunod na taon na ang sumampa sa andas dahil iyon ang kaniyang panata.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
