Tinanggal ng Philippine Army sa puwesto ang isang kolonel habang iniimbestigahan sa alegasyon ng pagbawi niya ng pagsuporta sa kanilang commander in chief na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Ang pagbawi umano ng suporta ni Colonel Audie Mongao kay Marcos ay kumakalat sa social media.

“By the direction of the Commanding General, PA, Col. Mongao was immediately relieved from post and put into A/U status to give way for a thorough investigation by Training Command,” ayon kay Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala nitong Biyernes.

Aniya, iniimbestigahan din nila kung si Mongao mismo ang nag-post ng umano'y pag-atras ng kaniyang suporta sa pangulo.

Samantala sa isang post sa Facebook, sinabi ni Major General Michael Logico, commander ng Training Command, na si Mongao, na nasa bakasyon ng Bagong Taon, ay inalis sa puwesto nitong Huwebes ng gabi bilang commander ng Training Support Group.

Ayon sa kaniya, nagsisikap ang kaniyang command na makipag-ugnayan kay Mongao sa gitna ng mga alegasyon ngunit hindi nila ito makontak.

“Investigation is underway to determine possible administrative and legal charges that may be imposed upon him in relation to his online statement," sabi ni Logico.

Sa kabila nito, sinabi niya na sinusubukan pa rin ng Army na makipag-ugnayan kay Mongao na magbigay ng “emotional support,” at idinagdag na nananatili sa kaniyang responsibilidad ang kolonel.

Iginiit din ni Logico ang buong suporta ng Philippine Army sa Konstitusyon at sa chain of command.

“The Philippine Army remains professional and steadfast behind our mandate, loyal to the Constitution and the chain of command,” sabi niya sa isang post sa Facebook.

Samantala, inihayag ng United People's Initiative, isang grupong nananawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Marcos, ang kanilang suporta para kay Mongao.

"His words were not rebellion. They were fidelity to the Constitution. In reaffirming his loyalty to the AFP and the State—while withdrawing personal support from President Marcos Jr.—Colonel Mongao reminded the nation of a truth too many fear to say: moral ascendancy matters; leadership is not inherited—it is earned daily; the Armed Forces serve the people, not personalities," sabi ng grupo sa isang pahayag.

Dagdag pa nito na pinili ni Mongao na magsalita— "not for himself but for the Filipino people worth fighting for." – Joahna Lei Casilao/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News