Sa tulong ng Global Positioning System (GPS), natunton at naaresto ng mga awtoridad ang anim na lalaki dahil sa pagnanakaw sa Quezon City at Jaen, Nueva Ecija.
Ayon sa ulat ni Mark Salazar nitong Lunes sa “Saksi,” kuha sa CCTV ang isang lalaki na nagnakaw sa opisina ng isang gasolinahan sa Katipunan Avenue, Quezon City noong Enero 2.
Ang lalaki nakakuha ng P70,000 mula sa isang improvised ATM.
Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na may insider job dahil alam ng suspek kung nasaan ang pera.
Nagnakaw rin ang parehong grupo ng P300,000 mula sa isa pang gasolinahan sa Congressional Avenue.
Habang hinahanap ng Quezon City Police ang mga suspek, nakatanggap sila ng ulat mula sa mga awtoridad sa Jaen tungkol sa isang pagnanakaw ng kaha de yero sa isang convenience store.
Ang kaha ay may laman na cellphone na may GPS, na naging daan upang matukoy at maaresto ang mga suspek sa isang bahay sa Lagro, Quezon City.
Ayon sa awtoridad, may record na ng mga kaso ng robbery sa iba't ibang lugar sa Metro Manila at Central Luzon ang mga suspek.
Haharapin ng mga suspek ng kasong robbery at theft.
Kinumpirma ng isang kinatawan ng gasolinahan ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kasabwat pa ang mga ito.
Samantala, itinanggi ng may-ari ng bahay ang kanyang pagkakasangkot sa krimen, bagamat aminadong anak niya ang isang naaresto.
Pagkatapos iproseso ang mga ebidensya, iba-biyahin muli sa Jaen, Nueva Ecija ang mga suspect para ma-inquest sa kasong robbery. — Mariel Celine Serquiña/RF. GMA Integrated News

