Sa isang update nitong 5 a.m., sinabi ni Cebu City Fire Station spokesperson Senior Fire Officer 3 Wendell Villanueva na 25 katao ang kasalukuyang nawawala.
Labindalawang (12) katao rin sa kabuuan ang naiulat na sugatan sa trahedya.
Patuloy ang pagsasagawa ng search and rescue operations magmula pa noong Huwebes ng hapon matapos ang landslide sa landfill site sa Barangay Binaliw.
Samantala, sinabi ni Cebu City Mayor Nestor Archival na may mga nakitang senyales ng buhay sa ilalim ng landfill site.
“Yesterday, there was this Apex Mining, mayroon silang equipment na nagpakita na mayroon parang signs of life. So kaya nga, although 72 hours nang nag-lapse we are still on the rescue mode,” sabi ni Archival sa isang panayam sa Unang Balita.
Sinabi ni Archival na bumilis ang mga operasyon sa pagsagip at paghahanap matapos dumating ang mga bagong kagamitan. Inilahad niyang naging mabagal ang usad ng rescue efforts dahil sa mga panganib sa kaligtasan sa lugar.
Naglabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central Visayas ng cease-and-desist order laban sa Prime Integrated Waste Solutions, Inc. (PWS), operator ng landfill.
Nauna nang sinabi ng Prime Waste Solutions Cebu na sila ay “working closely with relevant government agencies and the local government to provide the necessary assistance and support to all those affected by the incident.”
Sinabi nito na sinuspinde na ang operasyon ng pasilidad.
Sinabi ng operator ng pasilidad ng landfill na magbibigay ito ng mga update at magbabahagi ng impormasyon kapag nagkaroon na nito.
“The safety and well-being of our employees, contractors, and neighboring communities remain our top priority,” sabi nito. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
