Isang security guard ang nasawi matapos siyang barilin habang natutulog sa General Santos City. Dalawang tao ang itinuturong persons of interest (POI) ng pulisya.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa “Balitanghali” nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng General Santos Police Station 9 na natutulog noon ang biktima sa stockhouse ng pinagtatrabahuhan niyang security agency sa Barangay Mabuhay nang mangyari ang insidente.
Ang unang POI ay nakainuman at nakaalitan ng biktima sa tinambayan niyang tindahan bago ang pamamaril.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang unang POI.
Samantala, isinailalim sa paraffin test at imbestigasyon ang kasamahan ng biktima sa naturang agency, na dati na rin niyang nakaaway.
Personal na galit ang tinitingnang motibo ng pulisya.
Sinisikap pang makuhanan ng panig ang dalawang POI, ang security agency at mga kaanak ng nasawing security guard. — Jamil Santos/JMA GMA Integrated News
