Magbibigay ang Pilipinas ng visa-free entry sa mga Chinese national simula Enero 16 para mapataas ang kalakalan, pamumuhunan, at turismo ng bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes.

Sa ilalim ng bagong patakaran, hindi na kailangang kumuha ng visa ang mga Chinese national na pupunta sa Pilipinas at mananatili ng hanggang 14 na araw.

“This is in line with the President’s directive to facilitate trade, investments, and tourism, as well as strengthen people-to-people exchanges between the Philippines and China,” saad ng DFA sa isang pahayag.

Ipatutupad ang visa-free entry arrangement sa loob ng isang taon at susuriing muli bago ito magwakas.

Pero balido lamang ang 14-days visa-free sa mga Chinese national kung pagpasok sila sa bansa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Metro Manila at sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sa Cebu.

Pagdating sa bansa, kinakailangang magpakita ang mga Chinese national ng pasaporteng may bisa nang hindi bababa sa anim na buwan at lampas sa inaasahang panahon ng pananatili, kumpirmadong hotel accommodation o booking, at return o onward ticket patungo sa susunod na destinasyon.

“Chinese nationals traveling to the Philippines strictly for tourism or business purposes may avail of the new visa-free entry privilege,” ayon sa DFA.

Nilinaw din ng DFA na hindi maaaring palawigin ang visa-free stay na higit sa pinapayagang 14 na araw, at hindi rin ito maaaring i-convert sa anumang uri ng Philippine visa category.

Upang matiyak na mapapanatili ang seguridad at kaayusan ng publiko habang pinadadali ang pagpasok ng mga lehitimong manlalakbay, patuloy na isasagawa ang pagsusuri sa mga derogatory record ng mga bumibiyahe, ayon sa DFA. — Michaela del Callar/FRJ GMA Integrated News