Arestado ang tatlong lalaki dahil sa pagpuputol at pagnanakaw umano ng mga kable ng kuryente at pagbebenta nito sa junk shop sa halagang P13,000 sa Navotas.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa kuha ng CCTV ang pag-akyat ng isang lalaki sa poste ng kuryente sa labas ng isang eskuwelahan noong Sabado ng madaling araw.

Samantala, nagsilbi namang lookout ng lalaki ang kasama niya na nasa ibaba, ayon sa barangay.

Pinagpuputol na pala ng mga lalaki ang mga kable ng kuryente sa lugar para tangayin at ibenta.

“Style nila, 'yung mga wire na makikita nilang hindi connected doon sa poste pa. So 'yun 'yung nakikita kong kabisado nilang gawin. So 'yun 'yung kinukuha nila. Pagkatapos, sasampa 'yung isa sa poste, then 'yung isa, naka-standby lang sa baba na siya 'yung tumatayong lookout,” sabi ni Kagawad Boyet De Guia ng Barangay San Jose.

“Actually hindi pa nga po siya connected doon sa poste. Kaya wala pa siyang kuryente noong time na ninakaw pa ‘yun,” dagdag ni De Guia.

Nasaksihan ng ilang tao sa kalsada ang pagnanakaw umano. Sinubukang lumapit ng isa sa kanila, pero hindi niya pinigil ang mga suspek.

“For almost one hour, walang nag-report sa amin na mga tao doon, na mga naka-standby, mga tricycle boy. So ayon, 'yun 'yung nakakalungkot sa nangyari,” ani De Guia.

Nang maglakad papalapit sa mga naka-standby ang isa sa mga suspek, isang babae ang naglabas ng cellphone para kuhanan siya ng litrato.

“May nakita po ako diyang may umakyat. Pagbaba niya, wala pa siyang dala. Tapos nagtagal muna. Pumunta din sa akin, piniktyuran ko siya. Tapos pagpicture ko, bumalik ulit. Pagbalik ulit niya, nakita ko, mayroon nang wire na nadala. Sabi ko, kung may magtangka, may ebidensiya ako na siya ang kumuha. Hindi ako nakaisip na i-report sa barangay dahil walang bantay sa tindahan ko,” sabi ng isang babaeng saksi.

Ilang saglit pa, tumawag na ng pedicab driver ang mga suspek na kasabwat umano nila sa pagtakas ng mga ninakaw nilang wire, ayon sa barangay.

Kalaunan, ang pedicab driver mismo ang nakapagturo sa dalawa pang suspek.

Sinabi ng barangay na nahanap nila ang junk shop sa Malabon kung saan umano ibinenta ng mga suspek ang mga wire sa halagang P13,000.

“Siyempre, mas mura na. P13,000 umabot. Pero sabi naman 'yung principal ng school, dahil nga request lang nila 'yung kay mayor, inabot daw sila ng P167,000. Doon 'yung kabuuan na lahat ng materyales pati 'yung wire,” sabi ni De Guia.

Nadakip kalaunan ang tatlong suspek, kasama ang pedicab driver. Mahaharap sila sa reklamong theft.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kuhanan sila ng pahayag.

Ayon sa barangay, nagpaliwanag sa kanila ang pedicab driver.

“Kagaya ng common na kuwento ng mga nahuhuli na gumagawa ng mga masasama, dala ng kahirapan, pantustos sa kanilang pagkain, mga gano’n,” sabi ni De Guia.

Samantala, plano na ng barangay na magpaskil ng mga numero nila sa mga poste para mapaigting ang ugnayan nila sa mga residente, lalo kapag may kailangan iulat na krimen. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News