Sugatan ang isang monghe o monk matapos siyang puluputan at tuklawin ng isang sawa sa Bangkok, Thailand.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa kuha ng CCTV ang isang monghe na lumapit sa iba pa niyang kasamahan.
Nagpapatulong na pala ang monghe na maalis ang nakapulupot na sawa sa kaniyang katawan.
Ilang saglit pa, natumba na ang monghe at nawalan ng malay matapos humigpit ang pagkakalingkis ng sawa sa kaniyang leeg.
Tumulong ang mga kasamahan niyang monghe para alisin siya sa pagkakalingkis ng sawa.
Nagkamalay na ang monghe matapos rumesponde ang medics.
Duguan ang monghe sa may bandang pulso sa kaniyang braso matapos kagatin ng sawa.
Dinala ang monghe sa ospital, habang hinuli ng rescue volunteers ang sawa at pinakawalan sa kagubatan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
