Patay ang isang lalaking sakay ng motorsiklo matapos siyang pagbabarilin ng riding in tandem sa Tondo, Maynila. Ang gunman na bumaba ng motorsiklo para barilin muli ang biktima, nadakip at nasugatan nang barilin ng isang rumespondeng pulis.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang pamamaril kaninang 2:00 am sa Barangay 169 sa Gagalangin, Tondo.
Ayon sa pulisya, sakay ng motorsiklo ang 32-anyos na biktima nang barilin ng riding in tandem sa ulo at natumba sa kalsada.
Sinabi ng saksi na kahit nakatumba na ang biktima, bumaba pa ng motorsiklo ang gunman at nilapatan ang biktima para barilin muli.
Nagkataon naman na may pulis na nagroronda sa lugar na kaagad rumesponde at inabutan ang gunman na hinahabol ang motorsiklo na kaniyang sinakyan para tumakas.
Subalit biglang natumba ang suspek matapos na barilin siya ng humabol na pulis.
Nakatakas ang kasabwat na rider, pero nahuli ang gunman na nagtamo ng tama ng bala sa likod at balikat na dinala sa ospital.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang isang caliber .40 na baril at mga bala.
Napag-alaman na dating nakulong ang biktima sa kasong ilegal na droga noong 2023 at nakalaya lang noong Oktubre 2025.
Ayon sa kapatid ng biktima, posibleng may kaugnayan din sa ilegal na droga ang nangyaring krimen.
Idinagdag ng kapatid na nangako umano ang biktima na magbabago na. May naulila itong dalawang anak.
Sinabi naman ni Arnel Capalad, chairman ng Brgy. 169, hindi residente sa lugar ang biktima kung hindi taga-Brgy155 sa Raja Bago.
Maging ang naarestong gunman ay hindi rin umano nila kilala.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para madakip ang nakatakas na rider. – FRJ GMA Integrated News
