Pinuna ni Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros ang pahayag ng kontratistang si Pacifico "Curlee" Discaya II na para silang ninanakawan dahil sa usapin ng “restitution” o pagsasauli ng umano’y nakaw na pera na bahagi ng pondo sa kontrobersiyal na flood control projects para makasama sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).
Sa Senate forum nitong Miyerkules, sinabi ni Hontiveros na dapat itigil na ng mag-asawang Discaya ang pag-astang mga biktima sa isyu ng flood control projects, kahit lumalabas na bilyon-bilyong pisong kontrata ang nakuha nila sa mga proyekto, kabilang umano ang mga substandard at ghost projects.
“Talagang ilan sa amin halos mahulog sa silya. I mean, hello, sasabihin niya na ninakawan sila? Parang hinold up tayo tapos kailangan pa nating mag-sorry sa holdaper,” sabi ng senador.
“Tigilan na ng mga Discaya yung ganyang pag-iiwas sa mga tanong or outright pag-deflect sa direksyon na gustong tahakin ng hearing. Kung talagang gusto nilang makipagtulungan sa gobyerno simula na sa Blue Ribbon Committee, kung talagang gusto nilang matanggap sa Witness Protection Program, dito pa lang sa Senado simulan na nilang sagutin ng tapat at kumpleto lahat ng aming mga tanong,” dagdag ni Hontiveros.
Matatandaan na ikinunsidera noon sina Curlee at Sarah Discaya bilang “protected witnesses” sa ilalim ng WPP. Pero tumigil umano ang dalawa sa pakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ).
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, muling tinanong ni Senador Rodante Marcoleta si Curlee tungkol sa restitution o magkano ang dapat nilang ibigay para makapasok sila sa WPP ng DOJ.
“Your Honor, kung magkano po ang ire-restitute po muna namin… Ako po, hindi ko po masabi kung magkano po kasi para sa akin po, parang kami po ang nanakawan,” sagot ni Curlee.
Para kay Hontiveros, dapat ipakita ng mga Discaya na sinsero sila na makipagtulungan sa mga awtoridad sa isinasagawang imbestigasyon.
Dapat din umanong isumite ng mag-asawa ang matagal nang hinihingi ng Senado na flood control project records na mula 2016 hanggang 2022.— Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News
