Tinutugis na ang isang lalaki matapos mahuli-cam ang pagnanakaw niya sa cellphone at tablet sa isang SPED center sa Novaliches, Quezon City. Ang suspek, nagtangka pang gamitin ang cellphone para sa online panloloko.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang lalaki na nakaupo sa loob ng naturang SPED Center Martes ng umaga.
Mistulang kumukuha ng tiyempo ang lalaki habang nakatingin sa mga magulang na nag-aabang sa kanilang mga anak.
Ilang saglit pa, agad nang kinuha ng lalaki ang cellphone at tablet na pagmamay-ari ng SPED center na nakapatong sa mesa.
Kalaunan, nadiskubre ng babaeng empleyado ng SPED center ang pagnanakaw.
“Pagbalik ko po sa table galing CR, may magbabayad po na parent. And need ko po 'yung cellphone at tablet. Paghanap ko po, wala na po. Pumasok po ako sa bawat room, nagtanong po ako sa mga teacher kung nakapunta po sila sa table ko. Lahat po nagsabi wala. Tapos and then po, ni-review nila CCTV, may pumasok po na isang tao,” sabi ni Rogielyn Seasat, empleyado ng SPED center.
Nagkakahalaga ng halos P20,000 ang mga gadget, kung saan nasa tablet ang files ng SPED center, ayon kay Seasat. Nasa cellphone naman ang lahat ng contacts niya roon.
Kalaunan, ginamit pa ng suspek ang cellphone para ma-access ang messaging app ng biktima. Nagpadala ito ng mensahe sa ilang kaanak at kaibigan para makahingi ng pera.
Nasapul ang salarin sa CCTV ng isang sari-sari store kung saan niya hinihingi ang contact number ng e-wallet para doon i-send ang pera at makapagpa-cashout siya.
Kamuntikang mabiktima si Aldus Keith Villavicencio, pamangkin ni Seasat, na nagtaka na noong una sa tila kakaibang mensahe mula sa kaniyang tiyahin.
Hanggang sa makumpirma niya na hindi ang tiyahin ang kaniyang ka-chat nang tawagan na niya ang kaniyang ina.
“In-entertain ko siya na nanghihiram siya ng P1,000. Tapos sabi ko sa kaniya, ‘Sige, ano?’ Tapos kumbaga kinakagat niya rin 'yung sinasabi ko, sabi niya, ‘Okay lang ba na P1,500 na i-send mo sa akin?’ Sabi ko, ‘Sige, okay lang.’ Biniro ko pa siya na ‘‘Yun pa 'yung number mo, 'yung dati pa rin?’ Tapos nu'ng sabi niya, ‘Hindi, nagpapalit na ako ng number.’ Tapos may sinend siya sa akin na number,” sabi ni Villavicencio.
Tila nakatunog ang salarin nang tawagan na ni Villavicencio ang ibinigay na number.
Inutusan pa ng salarin ang may-ari ng sari-sari store na huwag itong sagutin. Kalaunan, umalis na ang salarin at sumakay ng jeep.
Naiulat na ang insidente sa Barangay Santa Monica at Novaliches Police Station.
Ayon sa mga taga-barangay, hindi nila residente ang salarin.
“Pinagtatanong po niya kung kilala po namin 'yung pinakita nilang picture, larawan. Pinagtanong ko po sa aming mga kasamahan, sa nasasakupan po namin, hindi po namin kilala 'yung suspect po. Posible pong dayo lang po," sabi ni Aileen San Jose, BPSO desk officer ng Barangay Sta. Monica.
Nagkasa na ng follow-up operation ang pulisya, at nagba-backtrack na rin sila sa mga kuha ng CCTV para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
