Anim na pulis na nakatalaga sa Malate Police Station 9 ang inaresto nitong Miyerkoles ng gabi matapos na masangkot umano sa robbery hold-up incident sa Makati City.
Batay sa report mula sa Makati City Police, nadakip ang mga suspek na pulis sa isang hot pursuit operation sa Arsonvel Street sa Barangay San Isidro dakong 7:48 p.m.
Isa sa mga suspek ang may ranggong staff sergeant at patrolman naman ang limang iba pa.
Ayon sa Makati police, isa sa mga biktima ang may kinatagpo na dalawang babae sa Malate at nagtungo sa Makati para kunin ang ilang gamit.
Pero pagdating sa Makati, tinutukan sila ng baril ng isang grupo ng mga lalaki, tinalian, pinadapa, at kinuha ang kanilang gamit. Tumakas umano ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Sa isang pahayag, sinabi ng Manila Police District (MPD) na nagsasagawa na rin sila ng imbestigasyon sa insidenteng kinasangkutan ng kanilang mga tauhan.
Nakuha na umano ng MPD ang ilang dokumento tungkol sa operasyon ng mga nasangkot na pulis, kabilang na ang SDEU Coordination Form para sa MPD area of responsibility na may petsang January 28, at ang Notice to Explain na ipinadala sa immediate supervisor at nadakip na mga tauhan.
"We assure the public that erring police officers will not be tolerated. Appropriate charges will be filed, and this matter will be elevated to the proper authorities,” sabi ni MPD chief Brigadier General Arnold Abad.
Anti-drug Operation?
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Anthony Aberin, na may ulat na nagsagawa ng anti-drug operation ang mga pulis na suspek sa labas ng kanilang official area of responsibility nang walang opisyal na koordinasyon sa mga pulis sa Makati.
“Based po sa investigation natin ay may operation sila pero ang problema po ay lumabas po sila doon sa [area of responsibility] po nila at wala pong coordination po doon sa Makati kung saan sila pumunta,” ayon kay Aberin.
“At saka yung in-operate nila is taga-Makati po eh. Hindi po dapat sila pumupunta doon. If ever may operation man sila doon sa Makati,” dagdag niya.
Inalis na sa kaniyang puwesto ang commander at mga kasapi ng drug enforcement unit ng Malate Police Station habang isinasagawa ang imbestigasyon, ayon sa ulat ni Super Radyo dzBB reporter Christian Maño. – Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

