Umabot na sa 11 bangkay ang nakita sa karagatan ng Basilan ngayong Huwebes kaugnay ng patuloy na paghahanap sa iba pang nawawalang pasahero ng lumubog na Trisha Kerstin 3 roll-on/roll-off (RORO) ferry.

Ayon kay Hadji Muhtamad Mayor Arsina Kahing-Nanoh, tumulong na rin sa Philippine Coast Guard sa paghahanap sa mga nawawalang pasahero ang ilang kaanak ng mga nawawalang pasahero at mga mangingisda.

Sa ulat ni Jonathan Andal ng GMA Integrated News, sinabing nakita ang mga bangkay malapit sa Baluk-Baluk Island.

Batay sa manifesto ng lumubog na sasakyang pandagat, sinabi ng PCG na 10 pasahero na lang ang nawawala. Ngunit ayon sa mga kaanak ng iba pang nawawala, marami pang pasahero ang dapat hanapin.

Ang pagkakaroon umano ng mga pating sa lugar ang nakadagdag ng hirap sa paghanap sa mga biktima ng trahediya.

Bagaman may nakita mga pating, sinabi ng PCG na hindi naman infested ang lugar at kailangan lang maging maingat. Pinalawak din ang lugar ng paghahanap at pakikipag-ugnayan sa coastal communities at barangays sa pag-asang may napadpad na mga pasahero sa kanilang lugar.

Batay sa pinakabagong ulat mula sa PCG, umabot sa 316 tao ang nakaligtas, 18 bangkay ang nakita, at 10 pa ang nawawala, na kinabibilangan ng kapitan ng RORO at isang tauhan ng PCG.

Galing sa Port of Zamboanga City ang M/V Trisha Kerstin 3 noong Linggo at papunta sa Jolo, Sulu nang magkaaberya ito at lumubog sa karagatan ng Basilan noong Lunes. 

Iniimbestigahan pa kung ano ang sanhi ng paglubog ng RORO. – FRJ GMA Integrated News