Sinampahan na ng reklamo sa National Police Commission o NAPOLCOM ang anim na pulis na miyembro ng Malate Police Station sa Maynila na dinakip ng kanilang mga kabaro sa Makati City dahil sa “panghuhulidap” umano noong Miyerkules ng gabi.
Ngayong Biyernes, apat na biktima ng mga suspek na pulis ang dumulog sa NAPOLCOM para maghain ng mga reklamong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Ayon kay Napolcom Vice Chairman Atty. Rafael Vicente Calinisan, sa naturang reklamo, maaaring masuspinde, ma-demote, o kaya naman ay masibak sa serbisyo ang anim na pulis.
“Ito multiple complainants, gumagamit ng baril, may CCTV. Ano pang pag-uusapan natin dito? These policemen are up for dismissal,” ani Calinisan.
Tinatayang aabot ng 60-araw ang proseso laban sa mga inireklamong pulis-Malate.
“So bilisan niyo ang proceedings sa legal affairs service, paspasan din. Hindi dapat pamarisan ang mga pulis na ito. So, itong mga magnanakaw na pulis na ito ay idi-dismiss ng National Police Commission,” dagdag ni Calinisan.
Ang biktimang Filipino-American, inisa-isa pa kay Calinisan ang partisipasyon ng bawat pulis sa nangyaring paghulidap umano sa kaniya noong January 24.
Dalawang babae ang nagsama umano sa Fil-Am sa compound na tingin niya ay kasabwat ng mga pulis kaya pinasisiyasat na rin ito ng Napolcom sa Makati Police.
Umaasa ang biktima na matatanggal sa serbisyo ang anim na pulis.
“Ginagawa nilang hanapbuhay 'yang ganyang klaseng panghoholdap sa mga biktima nila. Dapat po masugpo 'yung ganyang klaseng pulis imbes na magprotekta sa sibilyan sila pa ang nagsasamantala,” sabi ng biktima.
Hinikayat pa ng Napolcom ang iba pang biktima ng anim na pulis na dumulog sa kanilang tanggapan para maghain ng rekamo.
Inaalam na rin ng mga awtoridad kung may iba pang kinasangkutang krimen ang anim na pulis lalo’t may nabalitaan na raw si Calinisan laban sa isa sa inireklamo.
“Meron pong isa, involved din daw sa kidnapping ba ‘yon. So yun po narinig ko, so we will validate that information,” ani Calinisan.
Nasampahan na ng Makati Police ng reklamong three counts ng robbery ang anim nilang kabaro sa Makati Prosecutor’s Office.
Sinikap muli ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng anim na pulis pero hindi sila tumugon. – FRJ GMA Integrated News