Pumanaw na si Estrella “Inday” Barretto, ang matriarch ng pamilya Barretto, at ina nina Claudine, Gretchen, at Marjorie.

Kinumpirma ng anak na si Joaquin ang malungkot na balita sa nangyari sa kanilang ina sa isang Facebook post nitong Huwebes.

“Rest in peace, Mom. I love you,” saad ni Joaquin sa post ng larawan ng kandila na may black background.

.Nagbahagi naman si Claudine ng isang video sa Facebook post na kasama ang kaniyang ina.

“Oh Mom. Estrella Castelo Barretto January 29, 2026,” saad ni Claudine.

Sa isa pang Facebook post, nag-post din ang aktres ng video na kasama niya sa mga huling sandali ang kaniyang ina sa ospital.

“Mommy, we're gonna be okay. I promise!” sabi ni Claudine sa caption.

Hindi binanggit kung ano ang sanhi ng pagkamatay ni mommy Inday. Pero noong September 2024, humingi ng panalangin si Claudine para kaniyang ina nang madala ito noon sa ospital dahil sa sakit na lupus.

Base sa mga post ni Joaquin sa social media, sa huling mga buwan ng 2025 ay pabalik-balik sa ospital si Mommy Inday.

Noong nakaraang January 7,  nag-post si Joaquin ng larawan ng kaniyang ina na nasa ospital na may kasamang caption na, “With Mom, still sick.”

Noong January 27, nagbigay si Joaquin ng update sa kalagayan ng kaniyang ina na inilipat sa ICU.

Nitong Miyerkoles, nag-post naman si Joaquin ng larawan ni Mommy Inday na nasa hospital bed kasama niya si Claudine sa tabi nito.

“Get well mom,” ani Joaquin.

Si Miguel Barretto ang asawa ni Mommy Inday, na pumanaw naman noong 2019.

Bukod kina Claudine, Marjorie, Gretchen, at Joaquin, ang iba pang mga anak nina Inday at Miguel ay sina Michelle, Gia, at ang namayapa na rin na si Mito.

Ang aming lubos na pakikiramay sa pamilya Barretto. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News