Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkoles na iniimbestigahan nito ang pahayag ng vlogger na si Jason Argota, na nagpakalat umano ng mga peke at hindi awtorisadong medikal na rekord ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ng direktor ng NBI na si Lito Magno na humarap si Argota sa ahensiya bilang pagsunod sa isang subpoena at nagsumite ng pahayag na isinasailalim sa imbestigasyon.
“He honored the subpoena issued to him. Nagbigay naman siya ng statement. Under investigation pa naman yun,” sabi ni Magno sa mga reporter.
Nauna nang inanunsyo ng NBI na nagsampa ito ng reklamong cyberlibel laban sa dating broadcaster na si Jay Sonza at sa social media personality na si Eric Celiz dahil sa umano'y pagpapakalat ng mga maling impormasyong medikal tungkol sa Pangulo.
Sinabi ni Magno na naihain na ang reklamo sa tanggapan ng prosecutor at nilinaw na tinututukan bilang isang hiwalay na imbestigasyon ang kaso ni Argota.
“Initially, na file na natin ‘yung kaso before the prosecutor's' office at nandu’n na ‘yun at tinitingnan pa rin since this is a separate investigation,” sabi ni Magno nang tanungin kung may kaugnayan ang kaso ni Argota, sa mga kaso nina Sonza at Celiz.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na mag-ingat sa pagbabahagi ng impormasyon online, at nagbabala na ang gagawa nito ay maaaring lumabag sa Cybercrime Prevention Act.
Noong Enero, isang dokumento tungkol sa umano'y kalusugan ng Pangulo ang kumalat sa social media, na inilarawan ng Malacañang bilang "fabricated and malicious."
Ang isyu ay kasunod ng naunang medikal na obserbasyon ni Marcos sa St. Luke's Medical Center dahil sa diverticulitis, isang pamamaga ng mga pouch sa pader o wall ng malaking bituka. —VBL GMA Integrated News

