Sugatan ang isang 17-anyos na binatilyo matapos pukpukin sa ulo ng isang lalaki gamit ang isang palakol.

Nangyari ang insidente sa Barangay Mambugan, Antipolo City nitong Linggo.

Ayon sa biktima, bumibili lang sila ng ulam ng kaniyang pinsan nang lapitan sila ng isang lalaki na residente rin sa kanilang lugar.

Inakala raw nilang kakausapin lang sila pero bigla raw silang tinutukan ng patalim.

“Tinanong niya po 'yung pinsan ko kung taga-saan daw po. Tapos sabi ko, 'Pinsan ko po 'yan. Bakit?' Tapos pagkababa po namin, bigla po siyang humarang ulit tapos bumunot po ng kutsilyo ta's umalis na po kami,” kuwento ng binatilyo.

Ilang oras ang nakalipas, inutusan daw ang biktima ng kaniyang kuya na bumili ulit sa tindahan.

Hindi raw niya namalayan na inaabangan na pala siya ng suspek bitbit ang isang palakol. 

“Bigla pong may humampas sa ulo ko. Bumagsak po ako nu'n ta's nagdilim po 'yung paningin ko," kuwento ng biktima.

“Na-shock po kami lahat. 'Di namin inaasahan na ganiyan 'yung gagawin ng tao na 'yun na nakahandusay na lang sa daan 'yung kapatid namin," ani Reynaldo Palacio, kapatid ng biktima.

Aniya, hindi raw iyon ang unang beses na nanakit ang suspek sa kanilang kaanak.

“Last year, sinapak niya rin 'yung kapatid naming isa. Pina-blotter namin 'yun at humingi (siya) ng dispensa. Pinatawad po namin at biglang inulit niya. Kaya ngayon 'di namin palalampasin 'yung ginawa niya talaga," sabi ni Reynaldo.

Ayon sa barangay, nagtago raw ang suspek kasunod ng insidente.

“Nakipagtulungan 'yung kaanak nu'ng suspek na puwede naming i-search 'yung inuupahan niya. Nakita namin siya sa kisame ng CR. Nakalabas 'yung paa," sabi ni Rey Santiago, hepe ng Barangay Mambugan Task Force.

Doon na raw pinosasan at inaresto ang suspek. 

Narekober sa kaniya ang ginamit na palakol.

Aminado ang suspek na kinilalang si alyas Zo sa paggamit ng palakol. 

Nagawa raw niya 'yun dahil sa galit at paghihiganti raw niya sa pamilya. 

Itinanggi naman niya ang panunutok ng kutsilyo sa magpinsan.

“Hindi po totoo 'yun, 'yung nilabasan ko sila ng kutsilyo. Sinaway ko lang po sila nu'n. Saka ako kumuha ng palakol. 'Yun, saka ko sila pinalakol," sabi ng suspek.

“Binugbog po ako ng apat na magkakapatid kaya lang po ako gumanti," aniya.

Nang tanungin kung kailan siya binugbog, ang sagot ng suspek ay: "Nu'ng araw din po na 'yun.”

Ayon sa barangay, dati nang nasangkot sa ilang insidente ng gulo sa lugar ang suspek.

Naka-detain sa Antipolo Police custodial facility ang lalaki na nahaharap sa reklamong frustrated homicide. —KG GMA Integrated News