Patuloy na pinaghahanap ang isang 8-anyos na batang lalaki na nahulog sa Tullahan River sa Malabon habang naglalaro kasama ang ibang bata nitong Huwebes.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, ilang oras nang sinuyod ng mga rescuer ang Tullahan River pero nabigo pa rin silang mahanap ang bata.
Labis ang pag-aalala ni Raymond Guirre, tatay ng batang lalaki na kinilalang si Roniel.
"Hindi nga po makatulog, hindi ako makapagpahinga. Nanghihina na po tuhod ko. Asawa ko nandu'n, iyak pa rin nang iyak po, hinahanap po 'yung anak namin," sabi ni Raymond.
Bago nito, naglalaro si Roniel kasama ang anim na iba pang bata malapit sa river wall nang maganap ang insidente bago mag-alas singko ng hapon.
Nasa trabaho si Raymond noong panahong iyon, habang nag-aalaga ng kanilang bunsong anak ang kaniyang misis.
Namataan pa ang bata sa CCTV na nasa labas ng kanilang bahay bago mag-alas tres ng hapon.
"Tinawag po yata siya ng mga kalaro niya po eh. Tapos walang sinabi sa akin. Basta nag-chat sa akin 'yung asawa ko na nahulog dahil 'yung anak ko. Hindi pa po marunong lumangoy 'yun. Walong taon pa lang po 'yun eh," ani Raymond.
Nakausap ng tiyahin ng bata ang isa sa mga kalaro at isang nakasaksi sa insidente.
Humingi pa raw ng saklolo ang bata bago tuluyang lumubog sa tubig.
"Umupo pa daw po diyan. May hawak na stick tapos winawagayway. Winawasik niya. Tapos nu'ng pagtayo, 'yun na po 'yung nalaglag siya… Sabi rin po nu'ng isang batang babae, 'yung kasamang maglaro talaga dito. Dumungaw naman daw po. Pero noong pagkadungaw po, tumalisod po diyan sa may parang gutter. Kaya nalaglag daw po," sabi ni Riza Guirre-Salvador, tiyahin ng bata.
Sanib-puwersa ang mga awtoridad sa search and rescue operation. Bandang alas sais ng gabi nang dumating ang mga rescuer mula sa Philippine Coast Guard.
Sinuyod nila ang ilang parte ng ilog gamit ang scuba gear, pero bigo silang makita ang bata sa ilang oras na paghahanap.
Pansamantalang inihinto ang rescue operation ng alas nuebe y media ng gabi.
"Napakahirap po kasi nu'ng ating Tullahan River dahil kita naman po natin maitim. So 'pag maitim po 'yan, madilim 'yung ilalim ng tubig. So kailangan po talaga 'pag sinisid 'yan, dapat mayroong ilaw sa ilalim para makita kung saan banda. May agos po 'yan. So maaaring 'yung bata tinangay na po sa malayo," sabi ni Kapitan Ambet Bautista ng Barangay Tinajeros.
Sinabi ng mga taga-barangay na ipinagbabawal ang paglalaro sa bahagi ng river wall, na may harang na bakod na kawayan at net, pero nakalulusot pa rin ang ilang bata.
"May bantay po kami roon para mangalaga sa mga halaman doon. 'Yun nga lang po siguro, aksidenteng nahulog 'yung bata," sabi pa ni Bautista. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News
