Inihayag ng dating senador at boxing icon na si Manny Pacquiao nitong Biyernes na naghahanda siyang maghain ng mga reklamo laban sa nadakip na vlogger na si Norman Mangusin, na mas kilala bilang si Francis Leo Marcos.

Sa kaniyang panayam sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, inakusahan ni Pacquiao ang vlogger ng pagpapakalat ng maling impormasyon at panlilinlang umano sa publiko.

"May mga kaso akong isasampa sa kaniya, hindi lang isa, but marami. Naka-prepare na lahat 'yun, pati 'yung mga ebidensya… Hindi ko pa nga na-meet itong taong ito. Gusto ko makita siya personally," sabi ni Pacquiao.

Dagdag ni Pacquiao, paulit-ulit na binanggit ni Mangusin ang kaniyang pangalan at gumawa ng mga kuwento para sa personal na pakinabang.

"Mahilig siya mag-name dropping and then gumawa ng story na hindi naman totoo. Para lang sa kaniyang personal gain. Mahirap 'yun. Marami rin mga tao na naniniwala sa kaniya, na napaniwala niya. Pero marami siyang tao na niloko, especially 'yung mga OFW natin," sabi niya.

Hindi naman idinetalye ni Pacquiao ang mga partikular na kasong plano niyang isampa.

Hinihingi na ng GMA Integrated News ang komento ng kampo ni Mangusin tungkol sa mga pahayag ni Pacquiao.

Inaresto si Mangusin nitong Martes ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isang hotel sa Pasay City kaugnay ng kasong unjust vexation.

Inirekomenda ang piyansang P120,000 para sa kaniyang pansamantalang paglaya.

Nitong Biyernes ng umaga, inalis si Mangusin sa Camp Crame sa Quezon City at inilipat sa Parañaque City jail kasunod ng isang utos mula sa korte.

“The [Bureau of Jail Management and Penology] confirms that at about 10:20 AM of 27 February 2026, Parañaque City Jail Male Dormitory received into custody Mr. Norman Mangusin,” sabi ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera sa GMA News Online sa isang mensahe.

Sinabi ni CIDG-National Capital Region chief Police Colonel John Guiagui na naghain ang kanilang yunit ng oposisyon para sa piyansa laban kay Mangusin sa korte, dahil may iba pang mga reklamong isinampa laban sa vlogger.

“Yung opposition natin kasi marami pang naka-pending na kaso niya. So inaano natin na meron nang mga kasunod kaagad. Nagpa-receive tayo doon sa korte kaso wala naman pa silang response doon,” sabi ni Guiagui sa mga reporter sa isang panayam.

Nasangkot din si Mangusin sa hindi awtorisadong paggamit ng uniporme ng pulisya, pati na rin ang naiulat na paggamit ng maraming pangalan, pasaporte, at birth certificate. – Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News