Tinangay ng isang motorcycle rider ang kuwintas ng babaeng bantay sa tindahan sa Talavera, Nueva Ecija. Ang biktima, asawa ng isang barangay captain.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, nahuli-cam ang paglapit ng rider sa tindahan sa Barangay Matingkis.
Ilang saglit lang, yumuko ang lalaki, saka ipinasok ang kaniyang kamay sa siwang ng tindahan at saka biglang umalis sakay ng motorsiklo.
Makikita rin sa video footage na isang lalaki ang humabol sa rider.
Hinablot pala ng rider ang kuwintas na suot ng babaeng nagbabantay sa tindahan.
Nagkakahalaga umano ng mahigit P30,000 ang ninakaw na kuwintas.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng pulisya sa rider. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
