Gulpi ang inabot ng isang Grade 9 student mula sa apat na kalalakihan dahil umano sa selos sa tapat pa mismo ng barangay hall sa Sampaloc, Maynila. Binalak pa umano ng mga suspek na saksakin ang biktima ng ice pick na nalaglag sa gitna ng kaguluhan.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera na mag-isang naglalakad ang biktimang si alyas “Jonathan,” sa tapat ng barangay hall ng Barangay 520 pasado 12:30 p.m. ng Huwebes.
Ilang saglit pa, makikita na ang dalawang lalaking patakbong sinugod ang biktima at kanilang pinagsusuntok hanggang sa matumba.
Pero kahit natumba na ang biktima sa kalsada, patuloy pa rin ang pag-atake sa kaniya ng dalawa. Ilang babaeng estudyante naman ang sinusubukang umawat sa kaguluhan.
Habang pinagtutulungan si alyas Jonathan, isang nakasuot ng pulang t-shirt ang tumakbo at huminto sa tapat nila, na kasabwat umano ng mga nanggulpi, ayon sa barangay.
Hindi gaanong nakunan sa video, pero mayroon siyang pinulot na bagay na nalaglag mula sa mga lalaking nambubugbog sa biktima.
Maya-maya pa, isang estudyante ang dumating at tinadyakan sa mukha ang biktima bago sila tuluyang tumakas matapos silang makita ng mga tauhan ng barangay.
Sinabi ng barangay na pinagselosan ng isa sa mga nambugbog ang biktima, matapos akalaing nililigawan ng biktima ang kaniyang nobya.
“Eh kasi ayaw na ng babae sa kaniya eh tapos sabi naman ng babae, nag-break na sila… binabantaan pa siya na gugulpihin nga daw ‘yung barkada nila na ‘yun na pinagseselosan niya,” sabi ni Kagawad Yolanda Correa, Barangay 520.
Natuklasan pa ng barangay na ice pick pala ang bagay na pinulot ng babaeng nakapula.
“Tinanong namin 'yung nakapula sabi niya vape daw pero ang pinagdiinan ng mga kasamahan nu’ng nabugbog, ice pick daw yon… Sabi naman gusto nilang tuluyan kaya lang maagap si kapitana kaya naagapan,” sabi pa ni Correa.
Kasalukuyang nasa ospital ang biktima matapos magtamo ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Kusang dinala sa barangay ng kanilang mga magulang ang tatlo sa apat na magkakasabwat. Dalawa sa kanila ang nasa hustong gulang na.
Dinala sila sa tanggapan ng Sampaloc Police Station para pagsasampa ng kaukulang reklamo, gayundin ang menor de edad na nagselos umano.
Posible siyang isailalim sa act of discernment ng DSWD.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na hingian ng pahayag ang mga naaresto, habang patuloy na hinahanap ang isa pang suspek na sumipa sa mukha ng biktima.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
