Napili na ang 56-anyos na si Mojtaba Khamenei bilang bagong supreme leader ng Iran, anak ni Ayatollah Ali Khamenei na napaslang sa US-Israeli strikes mahigit isang linggo ang nakararaan. Bakit kontrobersiyal ang kaniyang pagkakatalaga, ayon sa ilang analyst?

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing pangalawa sa anim na anak ni Ali Khamenei si Mojtaba.

Edad 17 si Mojtaba nang manungkulan sa militar noong Iran-Iraq War, bagaman maikli lamang ang kaniyang serbisyo.

Hindi humawak ng kahit anong posisyon sa gobyerno si Mojtaba bago naging successor ng kaniyang ama.

Sinabi ng mga analyst na malakas ang impluwensiya ni Mojtaba sa Revolutionary Guards, ang security forces ng Iran, kahit nanatili siyang low-profile at madalang humarap sa publiko.

Ayon pa sa mga analyst, maituturing na kontrobersiyal ang pagkakatalaga kay Mojtaba dahil batay sa ideology ng Islamic Republic, dapat na pinipili ang susunod na supreme leader base sa religious standing at sa napatunayang kakayanan sa pamumuno, at hindi sa pamamagitan ng hereditary succession.

Nangangahulugan nitong hindi dapat dugo o angkan ang maging basehan ng pagpili ng pinuno.

Para maging isang kuwalipikadong supreme leader, nararapat ding maging senior religious figure ang kandidato na may malalim na kaalaman sa Islamic jurisprudence, ethics at political affairs.

Bagaman sa constitutional referendum ng Iran noong 1989, inalis na ang pagiging Ayatollah o high-ranking cleric sa requirements para maging pinuno.

Sa kaso ni Mojtaba, isa siyang mid-ranking cleric lamang.

Ngunit ayon sa isang miyembro ng Assembly of Experts, ang konsehong nagtatalaga ng supreme leader, pinili nila si Mojtaba dahil sa habilin noon ni Ali Khamenei na dapat "hated by the enemy" ang susunod na top leader ng Iran.

Sa isang phone interview ng Reuters, sinabi ni US President Donald Trump na "unlikely choice" bilang lider ng Iran si Mojtaba.

Ayon pa kay Trump, gusto niyang kasama siya sa mga pipili ng bagong supreme leader, bagay na tinanggihan ng Iran.

“If he doesn't get approval from us, he's not going to last long,” sabi ni Trump sa pamamagitan ng ABC News noong Marso 7, 2026.

Suportado naman ng mga taga-suporta ni Ali Khamenei ang pagkakatalaga ni Mojtaba bilang kanilang bagong Supreme Leader, na inaasahang itutuloy ang hardline policies ng kaniyang ama.

Paniwala pa ng ilan, hindi basta-basta yuyuko si Mojtaba sa Amerika matapos na masawi rin ang kaniyang asawa sa pag-atake ng US at Israel.  —VBL GMA Integrated News