Iniutos ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ang agarang pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan. Ang mga TNVS (Transportation Network Vehicle Services) driver, kasama sa makikinabang sa ayuda.

Inihayag ito ni Executive Secretary Ralph Recto, na nakipagpulong na sa mga alkalde ng Metro Manila ngayong Miyerkoles para matiyak ang mabilis na pamamahagi ng ayuda na gagawin sa susunod na linggo.

“Bilang mayors, kayo ang higit na nakakaalam sa tunay na sitwasyon at bilang ng mga tricycle at jeepney drivers sa inyong mga lungsod. Kaya mahalaga ang ating pagtutulungan. Sa mabuting koordinasyon at sabayang pagkilos, mas mabilis nating maipaparating ang tulong sa bawat driver na nangangailangan,” ayon kay Recto.

Sa hiwalay na Palace briefing, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na sisimulan ang pamamahagi ng ayuda sa National Capital Region. Kasama umano sa pamamahagi ng fuel subsidy ang Department of Social Welfare and Development.

''Uunahin po natin ang mga tricycle driver under the jurisdiction of the respective LGUs. Tapos susunod-sunod na rin po natin iyong mga jeepney operators,'' paliwanag ni Lopez.

Tiniyak din ni Lopez na kasamang makatatanggap ng ayuda ang mga driver ng TNVS at iba pang transport groups.

''May master list naman po ang LTFRB at ang DOTr at dito po papasok 'yung tinatawag naming fuel subsidy. That will be triggered only, sa tingin namin, the moment that we have certification from Department of Energy... malamang 'yan masisimulan namin sa unang linggo ng Abril,'' dagdag ng opisyal.

Sinabi naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na unang ipapamahagi ang cash assistance sa NCR, at isusunod ang iba pang rehiyon.

''Iki-kick-off lang natin sa Metro Manila pero sunod-sunod na ho 'yan, hindi 'yan magtatagal. One after the other mangyayari ho 'yan,'' ani Gatchalian.

Sinabi ng Metro Manila Council (MMC) na inihanda na nila ang listahan ng mga tricycle driver mula sa TODAs sa buong rehiyon na isusumite sa DSWD sa loob ng isang araw.

Ibinahagi ni MMC president at San Juan City Mayor Francis Zamora na ang programa ay palalawakin din sa iba pang miyembro ng transport sector sa mga susunod na araw.

“Ito po ay malaking tulong po talaga sa amin sapagka’t kami pong mga mayors ay hinahanapan rin po ng mga hakbang ng aming mga mamamayan, lalong lalo na 'yung mga apektadong drivers po natin. At hindi lamang po ito para sa tricycle drivers, ganon din sa jeepney drivers, sa TNVS drivers, sa UV Express drivers, sa bus drivers… Lahat po ng drivers pagdating sa public transport sector ay tutulungan po ng ating pamahalaang nasyonal,” paliwanag niya.

Nakatakda umanong simulan ang payout sa darating na Martes sa Metro Manila, at saka isusunod ang ibang rehiyon.

Inihayag din ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno, na mas malawak ang programa dahil kasama sa makatatanggap ng tulong ang mga rider, TNVS, at mga bus.

“We will have respective tranches in terms of days lang naman kung sino mauuna,” ayon kay Moreno. — Anna Felicia Bajo/Jiselle Anne Casucian/FRJ GMA Integrated News