Isang 30-anyos na motorcycle rider ang tinulungan ng mga pulis matapos siyang maaksidente sa A. Bonifacio Avenue, Quezon City. Kalaunan, inaresto rin siya matapos mahulihan ng baril at hinihinalang shabu.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing rumoronda umano noon ang Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng La Loma Police Station nang mapansin ang rider.
“Bigla na lang po siyang nag-slide at nadisgrasya. Ngayon nakita po siya ng patrollers natin. Noong tutulungan siya, nakitaan siya ng baril na naka-pack sa kaniyang waist. At nang hiningian ng dokumento, wala siyang maipakita. Doon na siya inaresto,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, La Loma Police Station commander.
Isang baril na kargado ng walong bala ang nakuha mula sa suspek.
Kinapkapan ang suspek at nadiskubre ang siyam na gramo ng shabu umano na nagkakahalaga ng P61,200.
“Inaalam pa namin kung saan nanggaling ‘yung droga at kung saan niya ito dadalhin. Base sa aming imbestigasyon, may dalawang kaso siya ng ilegal na droga at isa ng illegal possession of firearms,” sabi ni Aguirre.
Sinabi ng nadakip na rider na pauwi na siya sa Parañaque nang maaksidente.
“No comment po. Sa korte ko na lang po sasagutin,” sabi ng suspek tungkol sa baril at droga na nakuha sa kaniya.
Mahaharap siya sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
