Malaki ang ibinaba ni Alex Eala sa pinakabagong tala ng Women’s Tennis Association (WTA) rankings. Mula sa career-high na No. 29, bumagsak ang Pinay tennis star sa No.45, isang linggo matapos ang kaniyang maagang pagkakaalis sa Miami Open.
Bumaba ng 16 na puwesto si Eala, ang pinakamalaking pagbaba para sa sino mang manlalaro sa pinakabagong WTA rankings. Nakamit niya ang career-high na No. 29, dalawang linggo lamang ang nakararaan.
Nangyari ito matapos siyang makaabot sa Round of 16 sa Miami Open, pero natalo kay Karolina Muchova sa iskor na 6-0, 6-2, at tuluyang naalis sa kompetisyon.
Nakakuha lamang si Eala ng 120 puntos sa pagkakataong ito, at nabawasan ng 270 mula sa 390 puntos na nakuha niya noong nakaraang taon nang umabot siya sa semifinals.
Bumaba rin ang ranking points ni Eala mula 1,525 patungong 1,255.
Magpapahinga muna ang Pinay ace bago siya muling sumabak sa aksyon sa clay courts.
Lalahok siya sa Upper Austria Ladies Linz Open na gaganapin mula Abril 6 hanggang 12.
Nakatakda rin siyang sumali sa Women’s Stuttgart Open sa Germany mula Abril 13 hanggang 19, at sa Madrid Open na isasagawa naman mula Abril 21 hanggang Mayo 3. — Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News

