Nasawi ang tatlong binatilyo matapos na sumalpok sa bus ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Cadis, Negros Occidental.

Sa ulat ng GTV News “Balitanghali” nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nasa magkabilang lane ng kalsada sa Barangay Burgos ang motorsiklo at bus.

Pero nag-overtake umano ang motorsiklo ng mga biktima sa isa pang motorsiklo hanggang sa napunta ito sa kabilang linya at bumangga sa kasalubong na bus.

“Naghinay-hinay ang bus kasi may bababa raw na pasahero. Ang motorcycle, nag-overtake sa isa ring motorsiklo. However, nag-slant ang direction papunta sa dalawang lane kaya ang nakasalubong niya (na bus), nabangga niya,” ayon kay Lt. Daleen Grace Loreno, Deputy Chief ng Cadiz City Police Station.

Inaalam ng mga awtoridad kung totoo ang impormasyon na nakainom ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Ayon sa bus company, nanindigan ang kanilang driver na nasa tama siyang linya. Hindi pa umano lumalapit sa kanila ang mga kaanak ng mga biktima pero nakahanda raw ang kompanya na magbigay ng tulong.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA News