Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Lunes ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas kaugnay sa pagbabawal ng inuman ng alak at pagsusugal sa mga pampublikong lugar, kasama ang iba pang mga hakbang para iwas-gulo, bilang bahagi ng kanilang “Safer Cities Initiative” sa Metro Manila.
Sa isang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na unang ipapatupad ang programa sa National Capital Region bago ito palawakin sa iba pang malalaking lungsod sa buong bansa.
“We welcome Monday with the announcement of the Safer Cities Initiative. Initially, dito po sa Metro Manila mag-uumpisa ‘yan,” Remulla said.
“Bakit po natin ginagawa 'to? Nakikita natin na ang mayorya ng krimen na nangyayari ay sa mga urban areas. So it's time to make the people feel safer about where they live,” paliwanag niya.
Iba pang mga hakbang sa ilalim ng Safer Cities Initiative ay ang mga sumusunod:
- curfew sa mga menor de edad sa ganap na10 p.m.
- hanggang 10:00 pm lang ang videoke sessions, maliban kung may pahintulot ng awtoridad gaya ng fiesta
- bawal ang mga nakahubad sa mga pampublikong lugar
“Meron tayong Anti-Public Intoxication Act. Bawal na ang mag-inom sa kalye. Bawal na ang maglatag ng mga silya at mga lamesa sa mga kalye at mag-inuman,” sabi pa ni Remulla.
“Doon nga nanggagaling number one ang away, number two ang sexual harassment. Bawal na. Kaya sabihan ko ang lahat, pasensyahan tayo kapag kayo mag-inuman sa kalye, huhulihin namin kayo,” babala niya.
Hinikayat ni Remulla ang mga lokal na pamahalaan na maglabas ng mga ordinansa para sa mga naturang hakbang.
“Bawal na po ang videoke lagpas ng alas 10 p.m. Alam ko ang lahat ng Pilipino mahilig kumanta. Maraming magaling kumanta. Masarap kumanta basta lalo na kasama barkada. Pero, maawa naman kayo sa kapwa ninyo at hayaan ninyo nang matulog,” giit niya.
“Walang t-shirt na lalaki na palakad-lakad sa kalye. It is an act of civility na magbihis naman kayo habang nasa kalye kayo…kahit gaano kainit, magsando man lang kayo,” dagdag niya.
Kasama rin sa programa ang pagtalaga ng isa hanggang dalawang pulis sa bawat paaralan sa Metro Manila tuwing may klase, katuwang ang mga barangay tanod.
Magkakaroon din ng police assistance desks upang madaling makalapit ang mga estudyante para humingi ng tulong o mag-ulat ng insidente.
Paiigtingin din ng Philippine National Police (PNP) ang presensya sa mga transport hub tulad ng paliparan, pantalan, terminal ng bus, at mga estasyon ng tren, gayundin sa mga mall at iba pang matataong lugar.
Mas dadami rin ang mga pulis at mga tauhan ng lokal na pamahalaan sa mga lugar na kilala sa nightlife at mga tourist spot sa Metro Manila. — Joviland Rita/FRJ GMA News
